PERSONAL na kinumpirma ni Department of Local and Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pagpapatuloy ng war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon sa ilalim ng pamahalaang Marcos.
Bagama’t hindi idinetalye ang magiging sistema ng drug war campaign ng Marcos administration, tiniyak lang ng kalihim na magiging intensified ito kumpara noong nakaraang pamahalaan.
Sa kabila nito, tiniyak ni Abalos na susunod pa rin sila kung ano ang naaayon sa konstitusyon habang ipinatutupad ang laban kontra iligal na droga sa bansa.
Samantala, nangako rin ang kalihim na magiging istrikto ngayon ang kanilang paraan na mahuli at maparusahan ang dapat na maparusahan at hindi masayang ang mga operasyong ginagawa ng pamahalaan.
Sa huli, nangako ang kalihim na sasama ito sa isa sa mga drug raids ng mga operatiba para mapatunayan kung papaano isinasagawa ang malawak na laban kontra sa ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Nauna nang umasa ang marami sa ating mga kababayan na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang programang ito na una nang sinimulan noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kung saan kaliwa’t kanang police operations ang isinagawa ng pamahalaan na ikinasawi ng marami, nagpakulong ng mga personalidad hanggang sa napanagot ang ilang opsiyal ng pamahalaan pero higit sa lahat nailantad sa publiko ang malawakang impluwensiya ng iligal na droga sa buong bansa.