MAYROON nang worst-case scenario planning ang Office of Civil Defense (OCD) kaugnay ng Bulkang Kanlaon at pinapahanda na nito ang mga evacuation center.
Sakaling iakyat sa Alert Level 4 ang bulkan, madadagdagan ng libu-libong katao ang kailangang ilikas.
Ipinaliwanag ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, ang Deputy Administrator for Administration ng OCD, na kapag nasa Alert Level 4, ibig sabihin mas mataas na ang posibilidad na magkaroon na ng violent eruption.
Ang mangyayari rito, mula anim na kilometro ay aabot na sa walo hanggang sampung kilometro ang permanent danger zone o extended danger zone.
‘’So, mas marami na pong i-evacuate diyan, aabot na tayo based sa aming datos ‘no, halos aabot na tayo sa 139,000 individuals ang kailangang i-evacuate. Kasi, sa eight kilometers kailangang 115,000; so pataas po nang pataas at dumarami po ang LGU ang apektado dito,’’ ayon kay Asec. Bernardo Alejandro IV Deputy Administrator for Administration, OCD.
Ayon naman kay Regional Director Joel Erestain ng OCD-Region 7, hindi biro ang nangyayari ngayon sa bulkan at ang pupuwede pang maging aktibidad nito.
Nabanggit pa ng opisyal na una ring kalaban ng pamahalaan kung magiging kampante lang ang mamamayan.
Base kasi sa sinasaad ng indicators, puputok pa nang mas malakas ang bulkang Kanlaon.
‘’Mahalaga rin, ayon sa OCD, na magkaroon na ng angkop na pagpaplano doon sa lokal na pamahalaan at tiyakin ang sustainability sa mga evacuation center,’’ saad ni Dir. Joel Erestain
Samantala, inilahad ni Director Erestain na malaking bahagi ng sektor ang agrikultura ang apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Aniya, sa paligid kasi ng bulkang Kanlaon ay puro agrikultura lalo na ang nasasakupan ng Negros Oriental partikular sa Canlaon City.
Sabi naman ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na nakikipag-ugnayan na sila sa provincial at municipal governments na naapektuhan ang sektor ng agrikultura sa pagputok ng Kanlaon.
Sa ngayon, unang binigyan ng tulong ng DA ang livestock industry sa lugar dahil sila ang unang naapektuhan.
‘’Nagbigay na tayo ng mga biologics at drugs para magamot sila at matulungan – more than one hundred thousand pesos iyong paunang ibinigay natin na tulong,’’ ani Asec. Arnel De Mesa.
Nakahanda na rin ang quick response fund ng DA doon sa mga lugar na naapektuhan na kinabibilangan ng La Castellana, La Carlota, Bago City at Canlaon City.
Karamihan dito ay nagtatanim din ng sugarcane.
‘’Bagama’t iyong ating mga kasamahan sa SRA ay patuloy na nakikipag-coordinate sa lokal na pamahalaan para maging tuluy-tuloy iyong inspection and validation ng mga areas at similarly magkakaroon din tayo ng interventions dito sa mga magsasaka na ito,’’ ani De Mesa.
Inihayag naman ng DA official na patuloy ang kanilang validation at monitoring para sa initial assessment sa epekto ng pagputok ng bulkang Kanlaon.