ARESTADO ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Philippine National Police (PNP) ang tatlong XSOX hackers sa isinagawang entrapment operation sa Imus, Cavite at Sta. Rosa, Laguna.
Kinilala ang mga naaresto na sina Joel Adajar Ilagan alyas ‘Borger’, Adrian de Jesus Martinez alyas ‘Adminx’, at Jeffrey Cruz Ipiado alyas ‘Grape/ Vanguard/ Universal/ LLR.
Ayon sa CICC, isinagawa ang operasyon noong Abril 23 kung saan nagpanggap ang CICC at PNP- Anti-Cybercrime Group agents bilang kliyente na bibili ng stolen data.
Batay sa imbestigasyon, ang grupo ay lumabag sa Cybercrime Prevention Act dahil sa pag-hack sa Smartmatic system, panggugulo sa COMELEC website, pag-hack sa NAPOCOR website, credit cards at iba pang online transactions at pag–hack sa mga local commercial website.
Bukod dito, sinasabi rin ng XSOX hackers na kaya nitong maimpluwensyahan ang resulta ng nalalapit na halalan.