Yakap ng Magulang Movement, ipananawagan ang mabilis na pagsibak sa Kamara kay convicted child abuser France Castro

Yakap ng Magulang Movement, ipananawagan ang mabilis na pagsibak sa Kamara kay convicted child abuser France Castro

KASUNOD ng hatol kina convicted child abuser France Castro, Satur Ocampo, at 11 iba pa, balak ngayon ng anti-communist group na Yakap ng Magulang Movement na dumulog sa mga kinauukulang ahensiya kasama na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso para ipanawagan ang mabilis na pagsibak kay Castro bilang kongresista.

“Pag-aaralan na po namin kung ano ang pinakamagandang gawin, pumunta sa Congress o sa tamang ahensiya para mag apela na matanggal po si France Castro,” ayon kay Relissa Lucena, President, Yakap ng Magulang Movement.

Giit ni Lucena, hindi aniya dapat na magtagal pa sa puwesto si Castro lalo na ang makakuha ng suporta para sa ambisyon nitong magsenador ng bansa.

Bukod sa grupo ni Castro, ipanananawagan din ng grupo ni Lucena ang pagpapaalis sa Kabataan Party-List, at Gabriela sa Kamara para hindi na makabalik sa paghawak ng posisyon sa pamahalaan.

“Sana mapabilis rin ‘yun ibang kaso ng mga nagsampa ng kaso nang sa ganun mag-eleksiyon na po, nakakatakot especially sa Kabataang Party-list na magkaroon pa sila ng pagkakataon na tumakbo uli. ‘Yan ang gagawin namin, baka magsulat kami sa Congress para mapatanggal itong si France Castro,” dagdag ni Lucena.

Nauna nang iniuugnay ang Makabayan Bloc bilang may koneksiyon sa CPP NPA NDF partikular na sa malawakang recruitment nito sa mga kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Matatandaang, nag-ugat ang kaso sa ilegal na pagtangay nina convicted France Castro at Satur Ocampo sa mga menor de edad sa Talaingod, Davao del Norte noong 2018 para isailalim sa indoktrinasyon sa kilusang komunista.

Follow SMNI NEWS on Twitter