SA ikatlong sunod na araw, nananatiling nakataas ang Yellow Alert sa Luzon at Visayas grid dahil pa rin sa manipis na reserba ng kuryente.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), 32 planta ng kuryente ang nananatiling naka-forced outage habang 10 planta naman ang limitado ang kapasidad.
Dahil dito, patuloy pa rin ang panawagan ng NGCP sa publiko na maging matipid sa paggamit ng kuryente upang maiwasan ang rotational brownout.
Maliban naman sa Yellow Alert, isinailalim din sa Red Alert ang Luzon grid kaninang alas-tres hanggang alas-kwatro at alas-otso hanggang alas-dyes ng gabi.