Youth Month, ipinagdiriwang sa siyudad ng Naga

Youth Month, ipinagdiriwang sa siyudad ng Naga

IPINAGDIRIWANG ngayong buwan ng Mayo ang Youth Month sa lungsod ng Naga na layuning masuportahan ang lahat ng mga talentong mayroon ang mga kabataan ng siyudad sa kabila ng pandemyang nararanasan.

 

Sa kabila ng kinakaharap na pandemya, ang mga kabataan ng Naga na tinaguriang mga Naguenyouth ay patuloy sa pagsasagawa ng mga programang makatutulong sa mga kabataang magkaroon ng sariling negosyo upang kahit sa kanilang mga murang edad ay meron na silang pagkakitaan.

Inumpisahan ang selebrasyon ng Youth Month o Buwan ng mga kabataan sa Naga simula ika-8 hanggang ika-28 ng Mayo 2021 na dinaluhan ng mga opisyales ng sangguniang panlungsod at mga bagong halal na mga City Youth Officials o (CYOs).

Sa pamamagitan ng Saringsing Kick Off Program ay sinimulan ang selebrasyon at sinundan ito ng online literary exhibit, dance, public speaking, visual arts and theatre workshop at ngayong araw ay binuksan ang Naguenyouth Business Trade Fair na ginanap sa Naga City Hall Grounds.

Ayon sa city youth head organizer na si Ezra Baylon, malaki ang pasasalamat niya sa mga local officials, Naga (CYOs) at higit sa lahat sa mga young entrepreneurs na sumuporta sa aktibidad hindi lamang sa pisikal kundi maging sa online trade fair.

Dumalo rin si Mayor Nelson Legacion sa trade fair at sinabing ang pagkakaroon ng ganitong aktibidad ay tamang tama bilang tugon sa pandemyang nararanasan dahil ito ay matatawag na isang resilience character bilang isang Nagueño, Bikolano at isang tunay na Pilipino.

Ayon kay City Youth Mayor Berlineth Nymia Montes, layunin din ng (CYOs) na palakasin at tulungan ang mga kabataang may maliliit na negosyo lalo na sa mga online business.

Ang temang “Parigonon: pagpaorog kan talentong Naguenyouth ” na ang ibig sabihin ay “Pagpapatibay: pagpapaunlad ng talento ng mga kabataang Naguenyo” ang siyang pangunahing layunin ng siyudad para sa mga kabataan.

Ayon pa kay Montes, hindi lamang sila makikitang kumikilos ngayong buwan ng Mayo kundi sila ay gagawa at kikilos sa buong taong sila ay nasa kanilang termino upang makatulong sa mga kabataan at sa lokal na pamahalaan ng Naga.

(BASAHIN: Ayuda at COVID care kit ipinamahagi para sa mga apektado ng house lockdown sa Naga)

SMNI NEWS