Zero backlog sa driver’s license, tiniyak ng LTO pagsapit ng Hulyo 1

Zero backlog sa driver’s license, tiniyak ng LTO pagsapit ng Hulyo 1

SAPAT ang suplay ng drivers’ license cards para suportahan ang demand hanggang sa katapusan ng 2024.

Ito ang tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) Chief na si Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II sa ginanap na press briefing sa Malacañang nitong Martes.

Aniya, humigit-kumulang mga 9.7 milyong cards ang na-bid-out na ng Department of Transportation (DOTr) at LTO.

Kaya naman, inaasahan ng LTO na pagsapit ng Hulyo 1, ay wala nang backlog sa driver’s license.

“So, there is no reason, why we will not have enough cards for the entire year. Dahil nga dito, by July 1 of this year dapat wala na pong backlog,” saad ni Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.

Ibinahagi rin ni Mendoza na nakakuha na ang LTO ng mga engraver machine para palitan ang mga luma na madaling masira.

Sa pamamagitan nito, mapabibilis na ang distribusyon ng mga driver’s license at vehicle plates.

Higit 100 car dealers, nasilbihan ng show cause order matapos bigong makapag-isyu ng plaka sa mga motorista—LTO

Sa usapin naman ng mga plaka ng mga sasakyan, sinabi ni Mendoza na natugunan na nila ang backlog para sa kasalukuyang demand ng mga plaka, maliban lamang sa pamamahagi nito.

Aniya, karamihan sa mga plaka ay naiimbak lang sa mga dealer at hindi naipamimigay sa mga motorista.

Kaugnay rito, nag-isyu ang LTO ng show cause orders sa mahigit 100 car dealers makaraang bigong makapagbigay ng plaka sa mga may-ari ng sasakyan sa tamang oras.

11 araw lamang ang ibinibigay na palugit sa mga car dealer para ibigay ang plaka at official receipt (OR) o certificate of registration (CR) sa mga motorista.

“So, we agreed, we met with dealers and we agreed that from the time magbayad po ang isang tao, bumili ng sasakyan, within 11 days ay dapat iyong plaka, iyong OR/CR at iyong RFID sticker ay mapasakaniya na. So, there’s no reason why this will not happen,”  ani Mendoza.

Kaugnay rito, nabanggit ng LTO Chief na may posibilidad na maipasara ang mga car dealer kapag ayaw talagang sumunod at patuloy ang paglabag sa timeline sa pag-deliver ng mga plaka.

Sisibakin naman sa puwesto ang mga tauhan ng LTO sakaling mapatutunayang hindi nito ginawa ang trabaho para mailabas sa tamang oras ang mga plaka.

“And we will continue to discipline our ranks, kasama rin iyong mga LTO na who will not comply with the five-day requirement,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble