SA isang panayam sa Bacolod, sinabi ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi siya kontento sa kasalukuyang liderato ng Senado at bukas siyang suportahan ang sinumang kandidatong maaaring pumalit kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Iginiit ni Zubiri na mas epektibong talakayin ang mga isyu sa pamamagitan ng mga closed-door caucus kaysa lantaran ang diskusyon sa plenaryo, na aniya’y nagdudulot ng kaguluhan sa institusyon.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng isang lider na hindi lang mahusay makipagbangayan, kundi may kakayahang panatilihin ang kasarinlan ng Senado mula sa iba pang sangay ng gobyerno.
Bagamat inamin niyang may 13 senador ang sumusuporta kay Escudero, umaasa si Zubiri na maaari pang magbago ang kanilang posisyon sa mga darating na araw.
Kinumpirma rin ni Zubiri ang pagbubuo ng tinatawag niyang “veteran bloc” sa Senado, na kinabibilangan nina dating Senate Presidents Vicente “Tito” Sotto III at Panfilo Lacson, at Senadora Loren Legarda. Layon ng grupo na itaguyod ang prinsipyo ng isang malaya at may paninindigang Senado.
Nauna nang nagpahayag si Sotto ng kahandaang muling pamunuan ang Senado kung makakukuha siya ng suporta mula sa mayorya ng mga senador. Kung hindi man, bukas din siyang magsilbi bilang Minority Leader.
Ang pagbubuo ng “veteran bloc” ay itinuturing na senyales ng umiinit na politika sa loob ng Senado, sa gitna ng posibilidad ng pagbabago sa liderato ng Mataas na Kapulungan.