Target ng Department of Agriculture (DA) na mapalawak ang export ng mga agri products ng Pilipinas sa Canada at Brazil, habang pinatatatag ang suplay ng mga inaangkat na pagkain, partikular ang karne.
Sa pakikipagpulong kay Canadian Prime Minister Mark Carney, tinalakay ni Tiu Laurel ang mga oportunidad sa ilalim ng Free Trade Agreement (FTA) na sumasaklaw sa agrikultura, manufacturing, at semiconductors.
Inaasahang magbubukas ito ng mas malawak na access para sa mga produktong agrikultura ng Pilipinas sa Canadian market, kasabay ng pagkakataong makakuha ng makabagong teknolohiya para sa lokal na produksiyon.
“Canada is a reliable trading partner, and we want to expand our agricultural exports there. We discussed products that we can supply to their market, as well as the technology that we can learn from them,” wika ni Francisco P. Tiu Laurel Jr., Secretary, Dept. of Agriculture (DA).
Samantala, sa pakikipagpulong kay Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva, tinalakay ang pagpapatuloy ng kalakalan sa agrikultura at pagpapalawak ng export ng mga produktong Pilipino.
Kabilang sa mga posibleng i-export sa Brazil ang tabako, isda, sardinas, tuna, bangus, at ube.
Kilala rin ang Brazil bilang isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng inaangkat na karne ng Pilipinas, kabilang ang beef, pork at iba pang poultry.
Ipinahayag ng Brazil ang pag-aalala sa 60-day restriction sa pag-aangkat ng ilang karne ng baboy, subalit naunawaan nito na layunin ng pansamantalang hakbang na bigyan ng pagkakataong makabangon ang lokal na industriya ng baboy.
Tiniyak naman ng Pilipinas ang interes nitong ipagpatuloy ang kalakalan sa Brazil matapos ang restriksyon, kasabay ng panghihikayat na tangkilikin din nito ang mga produktong agrikultura ng bansa.
