Border control at travel restrictions, ‘di irerekomenda ng DOH

Border control at travel restrictions, ‘di irerekomenda ng DOH

SA press briefing kasama ang Department of Health (DOH), tinalakay ang mga aksyon para sa mas mabuting primary care na nakatuon sa kalusugan ng mga komunidad at iba pang health issues.

Tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Singapore nitong mga nakaraang linggo.

Base sa ulat ng Ministry of Health (MOH) ng Singapore, mahigpit nilang sinusubaybayan ang pagtaas ng impeksiyon sa COVID-19 sa kanilang bansa.

Pahayag pa nito, walang indikasyon na ang nag-circulate na variants ay mas transmissible o nagdudulot ng mas matinding sakit kumpara sa mga naunang variant.

Malamang nga umano ay humina ang immunity sa kanilang populasyon sa paglipas ng panahon.

Sa tala ng MOH, tumaas sa 25,900 ang kaso ng COVID-19 mula May 5-11, 2024 kumpara sa 13,700 na kaso noong April 28, 2024-May 4, 2024.

Dahil dito, tumaas din ang demand para sa COVID-19 test kits.

Pero sa press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na hindi niya irerekomenda ang pagpapatupad ng border control o travel restrictions sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Singapore.

Hindi rin niya imumungkahi na magpatupad ng sapilitang pagsusuot ng face mask pati ang dagdag na vaccination.

Paliwanag ng kalihim, ang COVID-19 “Flirt” variant ay isang “variant under monitoring” pa lamang at hindi isang “variant of concern.”

Gayunpaman, mahigpit pa ring binabantayan ng DOH ang COVID cases sa bansa.

“I’m not thinking border control, mandatory mask – I’m not thinking that. But I’m advising every Filipino, since that is happening, that can come here, iyong minimum public health standards. If you are sick, you have cough, colds, sore throat, better to stay home,” ayon kay Sec. Teodoro Herbosa, DOH.

DOH: kakulangan ng health workers sa Pilipinas, pumalo sa 190,000

Samantala, iniulat ng DOH na 190,000 health workers ang kailangan upang mapunan ang kakulangan sa nasabing sector sa Pilipinas.

Ibinahagi ni Herbosa na dala ito ng pangingibang bansa ng maraming medical professionals para doon magtrabaho.

At para tugunan ang gap na ito, ani Herbosa, patuloy na ikinakasa ng gobyerno ang mga programa para sa healthcare associates o nursing graduates na hindi nakapasa sa board examination.

Aniya, ang Private Sector Advisory Council for Health (PSACH) ay nagbibigay ng scholarships sa mga nurse at healthcare workers.

“So, may mga na-enroll na diyan, may nakapasa na and some of them I think a 140 plus and they’re now hired as nurses kasi pasado na. But, ang takers noong clinical care associate, mababa because it’s a Salary Grade 9. So, sa government mababa. Ang success niya is in the private hospitals,” ani Herbosa.

Sa tanong naman kung magpapatupad ang DOH ng deployment cap sa nurses, sagot ni Herbosa:

“There is currently no deployment cap and we will not put a deployment cap – that’s free choice if you want to work. We also get good nurses when you get sick in the hospital because they’re export quality – so, that means to me I’ll just produce more nurses.”

DOH: Pilipinas, kulang din sa dentists

Bukod sa mga nurse, aminado rin ang DOH na may kaulangan din sa dentists.

“Noong nag-hearing kami last week/this week sa Senate of Committee on Health, iyan ang tinanong sa akin about dentistry because we lack dentist,” ani Sec. Herbosa.

Paliwanag pa niya, napakamahal ang magpatayo ng isang dental school.

Sinabi rin ni Herbosa na mayroon lamang dalawang government-owned dental schools, ito’y sa University of the Philippines at West Visayas State University.

Upang matugunan ang kakulangan na ito, ayon kay Herbosa, pinapaaral na nila ang pag-revive ng dental items na nakapaloob sa batas na may kinalaman sa Dental Health Services.

Partikular na nais patingnan ng DOH ang usapin sa sahod ng mga dentist at ang paglikha ng isang public-private partnership sa Philippine Dental Association (PDA).

Follow SMNI NEWS on Twitter