Grupong Solid 7 sa Senado, pinag-iisipan kung aanib sa minorya

Grupong Solid 7 sa Senado, pinag-iisipan kung aanib sa minorya

PINAG-iisipan pa ng grupong Solid 7 na siyang grupo ng mga senador na pinamumunuan ni Sen. Juan Miguel Zubiri kung aanib ba sila sa minorya’t makikiisa kina Sen. Koko Pimentel at Sen. Risa Hontiveros.

Kasunod nga ito ng naganap na palitan ng liderato sa Senado kamakailan.

“At the moment, pinag-iisipan pa din namin kung kami ay sasama sa minority. So that it still an option for us,” saad ni Sen. Nancy Binay.

Ang Solid 7 ay kinabibilangan nina Senador Zubiri, Nancy Binay, Loren Legarda, Sherwin Gatchalian, JV Ejercito, Sonny Angara, at Joel Villanueva.

Ayon naman kay Escudero, may kalayaan silang mag-manifest na mapabilang sa Minority Bloc pero hanggang ngayon aniya ay itinuturing pa rin silang bahagi ng mayorya.

“Sa ngayon base sa tradisyon at rules ng Senado, ang itinuturing namin sila na bahagi ng mayorya dahil kung maalala niyo after ng election by acclamation, dalawa lamang ang nagma-manifest na sila ay nag-abstain, hindi sumali sa boto kaya nanatili sila sa minority, si Sen Pimentel at Senator Hontiveros,” pahayag ni Senate President Chiz Escudero.

“Malayang makakapag-manifest kahit anong oras basta may plenary session kami sinong myembro na umanib sa minority pero sa ngayon bahagi sila ng mayorya pero bahagi man sila ng mayorya o minorya pareho-pareho silang itinuturing na miyembro ng Senado,” dagdag ni Escudero.

Asal ng mga mambabatas, gustong pag-usapan ni Escudero sa kanilang pagkikita ni House Speaker Romualdez

Samantala, sinabi naman ni Escudero na magkikita sila ni House Speaker Martin Romualdez sa mga susunod na araw kung saan mas gusto aniya nitong mapag-usapan muna nila ang patungkol sa relasyon at asal ng mga mambabatas kesa ang iba pang bagay gaya ng Charter change.

“Sabi ko sa kaniya mag-uusap kapag magkita kami sa darating na Linggo marahil, para mapag-usapan una sa lahat ang relasyon ng Kamara at Senado. na sana maayos, wala nang palitan ng maanghang na salita kasi kahit hindi naman kami nagkakasundo sa isa o tatlo o sa maraming bagay, hindi rason ‘yon para maghugas kamay ‘yon ng maruming damit ‘ika nga sa publiko at magsalita ng hindi parliamentary sa loob o labas ng man ng plenary. Hindi bagay sa mambabatas na magsalita ng unparliamentary remarks,” ani Escudero.

Priority bills ng bagong Senate leadership, titimbangin pa

Pagdating sa magiging priority bills ng bagong leadership, wala pang masabi si Escudero.

Titingnan umano muna nila ang mga priority bill na naunang isinumite ni Zubiri bago ang pagpapalit ng liderato.

“Nagpasumite si Senate President Migz Zubiri, ng 5 priority bills, ng kada senador, pinababalik-tanaw mo ‘yon para makita kung ano-ano ‘yon na napasa tapos itatabi namin ‘yan sa LEDAC, sa mga inapprove ng administrasyon na priority ng Palasyo, itatabi namin yan sa priority naman sa punto vista ng mga mambabatas ng mga local pet bills nila para makita namin at gagawa at huhubog ng sarling agenda,” aniya.

Nagpahayag naman ng personal stand ang bagong Senate President sa divorce bill na kahapon ay nakapasa na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Mas nais kong palawakin, affordable at accessible ang annulment, na nasa family code natin ngayon, sa paanong paraan,” ani Escudero.

Follow SMNI NEWS on Twitter