Pagpapaimbestiga sa Duterte Cabinet members, may kinalaman sa 2025 elections—Eksperto

Pagpapaimbestiga sa Duterte Cabinet members, may kinalaman sa 2025 elections—Eksperto

GUMULONG na kamakailan ang imbestigasyon ng Kamara sa isyu ng umano’y secret deal ng Duterte administration sa China sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Kabilang sa mga dumalo ay sina dating Executive Secretary Salvador Medialdea, dating Defense Secretary Delfin Lorenzana at former National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.

Ngunit para sa Foreign Policy & Security Analyst na si Professor Lucio Blanco Pitlo, hindi pangkaraniwan ang ipinatawag na imbestigasyon lalo na’t isyu ito ng foreign policy.

At ang dahilan kung bakit inuungkat ng Marcos government ang mga hakbang ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa China?

“Parte na rin siguro kasi paparating ang mid-term elections next year at alam naman natin ‘yung political feud na rin sa pagitan ng Marcos at Duterte,” ayon kay Lucio Blanco Pitlo III, Foreign Policy & Security Analyst.

Nang pumalit si Duterte kay Dating Pangulong Noynoy Aquino, walang imbestigasyong ginawa hinggil sa foreign policy ng mga Aquino.

Pero, dahil nga tila may showdown ngayon ang mga Duterte at Marcos, saad ni Pitlo na pati foreign policy ng bansa ay damay.

“Kasi iba ang polisiya ng nakaraang Duterte administration kumpara sa current Marcos Government patungkol dito sa West Philippine Sea at ‘yung patakaran pagdating sa Tsina,” dagdag ni Pitlo.

Wala namang nakikitang masama si Pitlo na ginawa ng Duterte government para pahupain ang tensiyon sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Bagay na dapat isaalang-alang ng mga nakaupo sa Malacañang.

“Dahil tayo ay isang bansa, isa tayong pamahalaan… dapat rin siguro nating isa-alang-alang na ‘yung kumbaga tayo as an actor dapat may sense of continuity,” ani Pitlo.

Sa kasalukuyan, mayorya ng mga programa sa pamahalaan na may kaugnayan sa mga Duterte ay pinapalitan o hininto.

Bahagi ng branding ng bawat administrasyon.

Pero sana ani Pitlo, magkaroon ng pangmatagalang polisiya sa panglabas na anyo ng ating pamahalaan.

Bagay na susundan at pag-iibayuhin na lamang ng mga susunod na maluluklok sa Palasyo ng Malacañang.

“Siguro dapat din nating ingatan ang atin credibility, reputation kumbaga as an actor that keep it’s swore,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble