Sa ilalim ng ASEAN Plus Three, nagtutulungan ang 10 miyembrong bansa ng ASEAN at ang tatlong partner countries na China, Japan at South Korea sa mga usaping pang-ekonomiya, food security at regional stability.
Sa ika-29 na ASEAN Plus Three Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, araw ng Martes, Nobyembre 17, 2026, binigyang-diin ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kooperasyon sa disaster response at paglaban sa transnational organized crime.
Tiniyak din niya ang suporta ng Japan sa ASEAN centrality at sa pagpapalakas ng ugnayan ng mga bansang kabilang sa partnership.
“Japan will support ASEAN’s centralization and integrity. We will play an important role as an adjustment country between Japan and China so that ASEAN plus three countries can cooperate closely for the promotion and mainstreaming of AYP. I look forward to a fair exchange of views today,” wika ni Sanae Takaichi, Prime Minister, Japan.
Samantala, sinabi ni South Korean President Lee Jae-myung na mahalagang magsilbing gabay ang tatlong dekada ng pagtutulungan ng mga bansa sa pagharap sa mas komplikadong hamon sa kasalukuyan.
Ayon sa kaniya, patuloy na makikibahagi ang South Korea sa pagtatakda ng direksyon ng ASEAN Plus Three para sa susunod na 30 taon.
“Korea will continue to fulfill its dual responsibilities and play its proper role as ASEAN plus three charts its course for the next 30 years,” ayon kay Lee Jae-myung, President, Republic of Korea.
Binigyang-diin naman ng kinatawan ng China na si Minister Zhang Zhu ng Ministry of Agriculture and Rural Affairs ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtitiwala sa isa’t isa upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
“We Chinese believe that the flame runs high when everyone adds wood to the fire. The more difficulties we face, the more unity and coordination we need. The foundation of cooperation is mutual trust,” saad ni Minister Zhang Zhu, Ministry of Agriculture and Rural Affairs, China.
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain at enerhiya, gayundin ang katatagan ng ekonomiya ng mga bansa.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mahahalagang mekanismo ng pagtutulungan ang Chiang Mai Initiative Multilateralisation na naglalayong protektahan ang financial stability, at ang ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve na magsisilbing reserbang bigas sa panahon ng emergency.
“As we approach 30 years of ASEAN Plus Three cooperation, let us renew our ambition for this partnership and shorten the distance between the commitments we make around this table and the benefits our peoples feel in their daily lives,” pahayag ni President Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa patuloy na pagtutulungan ng ASEAN, Japan, China at South Korea, inaasahang mas mapapalakas pa ang kooperasyon sa pagtugon sa iba’t ibang hamon sa rehiyon.
Sa susunod na taon, 2027, gugunitain ang ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN Plus Three.
