LTO Chief Mendoza, inireklamo sa Ombudsman dahil sa umano’y katiwalian

LTO Chief Mendoza, inireklamo sa Ombudsman dahil sa umano’y katiwalian

SINAMPAHAN ng patong-patong na reklamo ng isang public transport group at supplier ng plaka si Land Transportation Office (LTO) Chief Asec. Vigor Mendoza II.

Ito’y matapos magtungo ang Federated Land Transport Organization of the Philippines (FELTOP) at PPI-JKG Philippines Incorporated sa Office of the Ombudsman, umaga ng Huwebes.

Kasong plunder, dishonesty at grave misconduct ang isinampang kasong supplier ng plakang LTO na PPI-JKG Philippines Incorporated.

Ito umano ay dahil sa pagpanig ni Asec. Vigor sa isang claimant kahit ang kaso pa ay nililitis sa Regional Trial Court Branch 90 sa Quezon City.

Kami po ang awardee ng 2014 na kontrata ng mga plaka sa Land Transportation Office.”

“Regarding po sa aming kaso PPI-JKG Philippine Incorporated na kinasasangkutan ng LTO sila po ang nag-file ng interpleader case para sa dalawang claimant po ang kompanya namin at ang isang claimant. Ang nangyari po ay sila ay pumanig sa kabilang claimant habang ang kaso ay nililitis pa po sa RTC Branch 90 sa Quezon City. Ang nakaraang awardee po nanaibigay sa amin ay nagkakahalaga ng P3.2 bilyon,” ayon kay Christian Calalang, President, PPI-JKG Philippines Incorporated.

Inirereklamo rin ng kumpanya si Annabelle Arcilla Margaroli na dating nilang project financer.

Ayon kay Calalang tapos na ang kanilang kontrata kay Margaroli ngunit tila nais din umano nito na i-claim ang P470-M na natitirang koleksyon ng kumpanya sa LTO.

2013 nang lumahok bilang bidder ang naturang kompanya bilang supplier ng plaka sa LTO.

2014 nang ma-award sa kanila ang P3.2-B pondo para sa procurement ng plaka.

Sinabi naman ni Atty. Mark Tolentino, Legal Counsel ng kompanyang PPI-JKG Philippines Incorporated violation of trust and confidence ang ginawa ni LTO chief Mendoza dahil sa pakikialam sa nakabinbing kaso.

“May tinatawag na pinaboran niya, we do not know maybe he’s compromise it depends into the investigation sa Office of the Ombudsman kasi bilang isang empleyadong government kailangan ‘yung trust niya sa public office is always a public trust dapat ang taumbayan ang amo niya hindi ‘yung may mga vested interest diyan na negosyante,” ayon kay Atty. Mark Tolentino, Legal Counsel.

Umaasa si Christian Calalang, President, PPI-JKG Philippines Incorporated na mabibigyang-pansin ng Office of the Ombudsman (OB) ang kanilang reklamo laban sa nasabing opisyal.

“Lagi po natin tatandaan na habang ang kaso po ay nasa korte pa tanging ang husgado lang po ang dapat humatol at hindi po ang sinuman. So, the rule of law must apply to all,” dagdag ni Christian Calalang.

Samantala, bukod naman sa supplier ng plaka, naghain din ng reklamo ang transport group na FELTOP laban pa rin kay Asec. Mendoza.

Ito ay dahil sa pagpapabalik ng computer system fee sa Land Transportation Management System na pabigat sa mga motorista.

“Bakit ginawa ‘yun ni Attorney Vigor without doing due diligence sa kanila na kung may nakita siyang mali doon sa LTMS dapat pinag-aralan niya muna hindi muna siya lumagpas sa memo kasi ‘yung pagtanggal ng P169 computer fee pabor po sa amin ‘yun malaking bagay at malaking tulong sa amin ‘yun. Kaya nakikita naming na mayroong grave abuse of discretion o negligence of the part ni Attorney Vigor kasi kinalimutan niya ang general welfare naming mga motorist,” ayon kay Jun Braga, Spokesperson, FELTOP.

Dahil dito, humihiling ang FELTOP group na patawan ng preventive suspension si Asec. Vigor Mendoza.

“After the file of this case the Office of the Ombudsman will conduct an investigation of course bibigyan sila ng summon para sagutin niya lahat ng reklamo after that kapag may probable cause iaakyat sa Prosecutor’s Office and diretso sa Sandiganbayan,” dagdag ni Atty. Tolentino.

Sa ngayon, hinihingian ng pahayag ng SMNI NEWS si LTO chief Asec. Mendoza kaugnay sa mga akusasyon na ipinupukol laban sa kaniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble