Mga residente ng Davao City, nag-rally bilang pagtutol sa kontrobersiyal na people’s initiative

Mga residente ng Davao City, nag-rally bilang pagtutol sa kontrobersiyal na people’s initiative

NAGPAHAYAG ang mga Dabawenyo ng mahigpit na pagtutol laban sa kontrobersiyal na people’s initiative (PI) para amyendahan ang Konstitusyon.

Mahaba ang pila ng mga sasakyan sa isang kalye sa Calinan Davao City.

Sakay ang mga Dabawenyo para sa pagkilos upang maipaabot ang kanilang mensahe sa mga nakaupo sa kapangyarihan.

Na silang mga taga-Dabaw, ay hindi nabibili ng pera.

“Ang aming Davao, ay not for sale talaga. Ang mga Davaoeños are not for sale,” ayon kay Juanito Anovallo, residente ng Dabaw.

Isang caravan ang ginawa ng mga volunteer mula Calinan papuntang Rizal Park, sa downtown ng Dabaw.

Bitbit ang kani-kanilang mga sasakyan, mga naglalakihang bus at mga motorsiklo, lahat nagkakaisa para tutulan ang tinatawag nilang pailalim na people’s initiative para sa pag-aamyenda ng 1987 Constitution.

Kinondena nila ang pag-aalok ng pera o ayuda, kapalit ng pirma para sa Cha-cha.

Ayon sa mga nagkakaisang kapitan ng Calinan District, kusang sumama ang mga tao sa pagtitipon.

“Kaya sir tumayo kami, mga taga-Calinan district. Ito ang totoong people’s initiative. Na gumalaw kami kasama ang mga maliliit na tao, mga maliliit na residente,” wika ni Chairman James Cinco, Brgy. Subasta, Davao City.

Pati mga IP community sa Davao City, sumama rin para igiit ang kanilang pagtutol sa ginagawa ng ilang mga politiko.

“Voluntary silang nagpunta dito, sapagkat alam nila ang Davaoenos. Iba ang Davaoenos, kahit nakatira kami sa buk-id. Ang Calinan District, more na siya sa buk-id. Naintindihan niyo kung ano yang buk-id? Taga-bukid! Ngunit kahit taga-bukid ang Calinan District, isa kami sa mga magpapatunay na kahit mga taga-bukid kami, hindi kami mga mukhang pera!” pahayag ni Brgy. Capt. Cresente Canada, Tamayong, Davao City.

Tiniyak naman ng mga kapitan sa Calinan na hinding-hindi sila tatanggap ng pera kapalit ng Cha-cha.

Umaasa rin sila na magsilbing halimbawa sa iba nating kababayan ang pagtayo sa katotohanan na kanilang ginawa.

Na huwag magpadala sa mga pa-ayuda.

Kahit na ang kapalit ng pirma ay cash assistance mula sa AICS, TUPAD at iba pang dole-out program ng pamahalaan.

“Isasampal ko sa kanila ‘yang AICS! Magkano? Tatlong libo sa AICS? Isampal ko sa kanila yang sampung libo!” ayon kay Brgy. Capt. Glenn Escovilla, Megkawayan, Davao City.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble