Pedicab drivers sa Marikina, nagkarera sa Bike Day 2026

Pedicab drivers sa Marikina, nagkarera sa Bike Day 2026

Sa halip na mga bisikleta o motorsiklo, mga pedicab ang naghari sa kalsada sa tapat ng Marikina City Hall, kung saan nagtagisan ng bilis ang mga pedicab drivers sa Marikina!

Todo-padyak, todo-buwelta at todo-bigay ang higit 30 kalahok sa isinagawang pedicab race.

May kaniya-kaniyang diskarte ang mga kalahok para maunahan ang kanilang mga katunggali.

At hindi lang mga batang driver ang sumabak sa karera, dahil may hiwalay ring kategorya para sa mga senior citizen.

Personal na pinangunahan ni Marikina Mayor Maan Teodoro ang aktibidad bilang bahagi ng dalawang araw na pagdiriwang ng National Bike Day 2026.

Pero higit sa karera, pagkilala rin ito sa mga pedicab driver na araw-araw na nagbabanat ng buto upang maihatid ang mga pasahero at maitaguyod ang kanilang pamilya.

“Ito’y kasiyahan lamang pagbibigay sa kanila ng halagahan para maramdaman nila na sa Marikina sila ay mahalaga at sinusuportahan sila ng lokal na pamahalaan. Ganon din ito ay para i-promote ‘yong kanilang industriya, ‘yong transport sector ng pedicab,” pahayag ni Mayor Maan Teodoro, Marikina City.

Ayon sa alkalde, mahalagang bahagi ng transportasyon sa mga komunidad ang pedicab, lalo na sa mga lugar na may makikitid na kalsada.

Bukod sa pagiging hanapbuhay, isa rin itong alternatibong transportasyon na hindi gumagamit ng gasolina at nakatutulong sa kapaligiran.

Ngunit nilinaw ng alkalde na regulado ang operasyon ng mga pedicab at limitado lamang sa mga subdivision at komunidad.

“Pero itong pedicab kasi it’s also a very sound active mobility and active transport system. Kung saan hindi sila gumagamit ng gasolina pero nadadala nila ‘yong mga pasahero nila sa kanilang pupuntahan,” aniya.

Samantala, patuloy namang pinag-iibayo ng pamahalaang lungsod ang mga programa para sa kaligtasan ng mga siklista.

Kabilang dito ang pagpapaganda ng mga bike lane at paglalagay ng karagdagang pailaw.

Ayon kay Teodoro, tinatayang nasa 19 na libong siklista ang dumaan sa Marikina sa isang araw.

“We have been opening various bike lanes at the same time pinaiilawan po natin sila para talagang maging ligtas ‘yong ating mga siklista,” aniya pa.

Bukod sa pedicab race, naging bahagi rin ng pagdiriwang ang bike ride, heritage bike tour, push bike race para sa mga bata at libreng bike lessons.

Layunin ng mga aktibidad na hikayatin ang mas maraming residente na gumamit ng bisikleta bilang alternatibong transportasyon at paraan ng pag-eehersisyo.

Follow SMNI NEWS in Twitter