World-class pyromusical display sa Kalimudan Festival 2026, trending online

World-class pyromusical display sa Kalimudan Festival 2026, trending online

Tampok sa grand opening celebration ng Kalimudan Festival 2026 ang grand pyromusical display na pinagsama ang makukulay na fireworks, musika, at synchronized light effects.

Inihandog ng Towers Fireworks International ang world-class na fireworks exhibition na naging isa sa mga pangunahing tampok ng pagdiriwang.

Kasabay ng tugtog ng musika ang bawat pagsabog ng mga paputok, na naghatid ng kahanga-hangang palabas sa mga residenteng dumalo at mga bisita.

Dahil sa mala-palasyo nitong disenyo at makukulay na ilaw, mistulang Disneyland ang Sultan Kudarat Provincial Capitol sa paningin ng mga manonood.

Hindi lamang sa mismong pagdiriwang umani ng atensiyon ang palabas dahil naging trending din ito sa social media, partikular sa X.

Sa pinagsamang Facebook pages nina Governor Datu Pax Ali S. Mangudadatu, Idolo Datu Pax, at 24K Digital Production, umabot na sa mahigit 1.5 milyon ang kabuuang views ng mga kaugnay na post.

Nakakuha rin ang mga ito ng mahigit 44.6 thousand reactions, 3.2 thousand comments, at 6.4 thousand shares na patuloy pang nadaragdagan.

Hindi rin nagpahuli ang mga netizen sa pagbibigay ng papuri sa nasabing pagtatanghal.

Ayon kay Dods Diano Perales, tila finale ng Disney World ang naging fireworks production.

Sinang-ayunan naman ito ni Elayne D. Ogatis na nagsabing walang-wala umano ang fireworks display ng Disneyland kumpara sa kaniyang nasaksihan sa Kalimudan.

Para naman kay Cherlyn Garcia Castil-Bernardino, kahanga-hanga ang choreography ng fireworks dahil eksaktong sumasabay ang mga ito sa background music.

Tinawag din ni Cel Cabrera na pang-international ang kalidad ng palabas at pinuri ang husay ng mga nasa likod ng produksiyon.

Samantala, sinabi ni Jim Jam na world-class ang kabuuang produksiyon at nagpahayag ng pagmamalaki sa ipinakitang pagtatanghal ng Sultan Kudarat.

Nagpaabot din ng pasasalamat at pagbati si Bhingbee Castromayor Bernales kay Governor Datu Pax Ali S. Mangudadatu dahil sa napakagandang palabas.

Para naman kay Billy Berana Jr., na nagpahayag bilang dating rebelde, ang naturang selebrasyon ay pagpapakita rin ng maayos na pamamahala at pamumuno sa lalawigan.

Para naman kay Governor Datu Pax Ali Mangudadatu, pag-asa ang dala ng selebrasyon ng Kalimudan Festival.

Naniniwala rin ang batang gobernador na gitna ng mga hamon ng makabagong panahon ay patuloy pa rin ang biyaya ng pagkakaisa ng mga taga-probinsya.

Sa dami ng positibong reaksiyon at suporta ng publiko, naging isa sa mga hindi malilimutang tampok ng Kalimudan Festival 2026 ang world-class pyromusical display na naghatid ng saya, paghanga, at pagmamalaki sa mga taga-Sultan Kudarat.

Follow SMNI NEWS in Twitter