Bagong schedule ng SY 2024-2025, aprubado na ng Malakanyang

Bagong schedule ng SY 2024-2025, aprubado na ng Malakanyang

APRUBADO na ng Malakanyang ang muling pagbabalik sa dating school calendar para sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Dalawang opsiyon ang inilatag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang pagpupulong kamakailan para maibalik ang dating school calendar na mula buwan ng Hunyo hanggang Marso.

Ang unang ops`iyon ay binubuo ng 180 school days na may 15 in-person classes tuwing Sabado habang ang ikalawa naman ay ang 165 school days pero walang face-to-face classes kada Sabado.

Ang mga klase sa parehong opsiyon ay matatapos sa Marso 31, 2025.

Hindi pinaburan ng Pangulo ang 165 school days maging ang pagpapapasok sa mga estudyante tuwing Sabado, bagay na sinang-ayunan din ng Department of Education (DepEd).

Yung proposal naman po ng DepEd kasi is number 1 ‘yung Saturday class. Mahihirapan po kasi tayo na ma-implement iyan at siyempre that will entail additional work for our teachers kahit ‘yung ating mga learners. Ang pananaw naman ng DepEd baka magkaroon tayo ng fatigue, certain things similar to that,” ayon kay Usec. Michael Poa, Department of Education.

“Doon naman sa pagpipilitin na natin na March 31 kaagad by school year 24 – 25, medyo masyadong maikli ‘yung school year. So, nagiging highly compressed ‘yung ating school year,” dagdag pa nito.

Nagpagdesisyunan na magsisimula pa rin ang klase sa Hulyo 29, 2024 para sa School Year 2024-2025 na una nang inanunsiyo ng DepEd. Ngunit imbes sa Marso 31, 2025 matatapos ang klase, matatapos ito sa Abril 15, 2025 para makumpleto pa rin ang 180 school days.

Wala nang mga klase tuwing Sabado ani Poa, pero patuloy pa rin umano ang pagpapatupad ng Catch-up Fridays para sa reading classes ng mga estudyante.

Pagdating ng School Year 2025-2026, magsisimula na ang klase sa Hunyo 16 at matatapos ng Marso 31.

Enero pa lang ngayong taon ay kumonsulta na ang DepEd sa mga guro, mga magulang, at iba pang stakeholders hinggil sa pagbabalik ng dating school calendar.

Maglalabas naman ang DepEd ng isang Department Order para sa bagong school calendar.

School-wide WiFi program, ikakasa na ng DepEd para sa mas mahusay na pagpapatupad ng alternative delivery modes

Sa pagpasok naman ng La Niña, may opsiyon pa rin ang mga paaralan na magpatupad ng alternative delivery mode para mabawasan, ayon kay Poa, ang learning disruption at maipagpatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante.

Tiniyak naman ng opisyal ang mga pagsisikap ng DepEd para sa mas mahusay na pagpapatupad ng mga alternative delivery mode.

“Ngayon pinapaigting din natin ‘yung alternative delivery modes, that is why unang-una sa lahat ‘yung internet connection,’ yung WiFi connectivity ng ating schools ay pinapaigting natin. Magsisimula na tayo this year. Iyan ay tinatawag nating School-wide WiFi program,” saad pa nito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter