PNP, dismayado sa pagbasura sa kaso vs pulis na sangkot sa kidnapping sa isang beauty queen sa Bantangas

PNP, dismayado sa pagbasura sa kaso vs pulis na sangkot sa kidnapping sa isang beauty queen sa Bantangas

IKINAGULAT mismo ng Philippine National Police (PNP) ang desisyon ng CALABARZON Prosecutor’s Office sa pag-dismiss sa kasong isinampa laban kay Ex-Police Major Allan de Castro, Jeffrey Magpantay, at dalawang iba pa.

Matatandaang nagsampa ang PNP ng kasong serious illegal detention at kidnapping laban kay De Castro ngunit ibinasura ito ng prosecutor dahil umano sa kakulangan ng sapat na ebidensiya laban sa apat na suspek.

PNP, maghahain ng motion for reconsideration sa pagkaka-dismiss sa kaso ni Catherine Camilon

Sa panayam kay PNP Public Information Chief PCol. Jean Fajardo, sinabi nito na gagawin ng Philippine National Police ang lahat ng legal na paraan kabilang na ang paghahain ng motion for reconsideration para maisulong ang paghahabol ng hustisya sa nawawala na si Catherine Camilon.

Batay sa pinakahuling impormasyon ng PNP, hindi pa rin natatagpuan ang biktimang si Catherine Camilon mula pa noong buwan ng Oktubre 2023 nang huli itong nakita sa Batangas.

“They will be exhausting all legal remedies available to us to possibly file a motion for reconsideration and/or petition for review to the Department of Justice because they believed that they presented all the necessary evidence to prove the connection of De Castro and Magpantay in the continued disappearance of Camilon on Oct. 12, 2023,” pahayag ni Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Sa pahayag ng pamilya ni Catherine, sa kabila ng pangyayari, umaasa sila na makukuha nila ang hustisya kasabay ng paniniwalang may kinalaman si Police Major De Castro sa pagkawala ng kanilang kaanak.

“Masakit sa amin ‘yun dahil hindi naman ‘yun ang inaasahan namin pero hindi naman natatapos ito dito. Hindi naman ibig sabihin tapos na ‘yun, mawalan na ng pag-asa. Sa amin, bilang kami ang pamilya at ako ‘yung nakaaalam na kung ano ang meron sa kanila, siyempre kami naniniwala kami na talagang siya ay karelasyon naman ng aming anak dahil hindi naman kami dadating sa punto na maghahanap kung wala kaming nawawalang kapamilya na wala naman talagang ibang tinuturo kundi itong si De Castro na siya ang karelasyon ng aming anak,” ayon kay Rose Camilon, ina ni Catherine Camilon.

Samantala, isa rin sa pinag-aaralan ngayon ng binuong Special Investigation Task Group Camilon ang direktang paghahain ng petition to review sa Department of Justice (DOJ).

Naniniwala ang PNP na nai-presinta nilang lahat ang mga ebidensiya para patunayan ang kinalaman nina De Castro at Magpantay sa pagkawala ni Camilon.

Enero ngayong taon nang ma-dismiss sa serbisyo si De Castro matapos mabatid ang pakikipagrelasyon nito sa beauty queen sa kabila ng pagiging pamilyado nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble