MAGKAKALOOB ng ₱500,000 pabuya ang pamahalaang lokal ng Talavera, Nueva Ecija sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng pumatay kay Barangay Calipahan Chairman Joel Damacio.
Naganap ang pamamaril pasado alas-nuwebe ng umaga noong Hunyo 8, habang pauwi ang kapitan mula sa Brigada Eskwela sa Calipahan Elementary School kasama ang isang barangay tanod.
Tinambangan ang dalawa sa Purok 5, Maharlika Highway, at binaril si Damacio na agad binawian ng buhay matapos magtamo ng tama sa braso at binti.
Nakatakas naman ang suspek sakay ng motorsiklong walang plaka at huli sa CCTV footage.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng krimen. Tiniyak ng mga awtoridad na mananatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng sino mang magbibigay ng impormasyon.