ISANG miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na CPP-NPA-NDF ang nasawi at nakuha mula sa kaniya ang tatlong matataas na kalibre ng armas.
Ito’y sa pamamagitan ng isinagawang Joint Focused Military Operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Brgy. Bagacay Palapag, Northern Samar.
Ginawa ang naturang operasyon matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa mga sibilyan na mayroong armadong grupo na namataan sa nabanggit na barangay.
Ito ay agad na inaksiyunan at nagresulta ng sunud-sunod na engkuwentro sa pagitan ng militar at ng teroristang grupo at nakuha ang hindi pa nakikilalang bangkay, mga armas, dalawang international humanitarian law-banned anti-personnel mine, mga medical paraphernalia, mga subersibong dokumento, at iba pang kagamitang pandigma.
Sa ngayon patuloy pa ang ginagawang clearing operation ng mga awtoridad dahil may mga nakita pang dugo sa mga dinaanan ng mga teroristang grupo.
Ayon kay 8th Infantry Division Commander Major General Camilo Ligayo na ang naturang katagumpayan ay naging posible sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga sundalo at residente sa pagnanais na maprotektahan ang kanilang lugar mula sa pananakot at extortion na ginagawa ng komunistang teroristang grupo.