PAGKATAPOS ng dalawang taon ay muling magbubukas sa Nov. 1 at 2 ang Manila North Cemetery para sa paggunita ng Undas.
Ayon kay Manila North Cemetery Director Roselle Castañeda, inaasahan nila na nasa 1-M katao ang dadagsa sa sementeryo.
Lahat ay maari nang makapasok sa loob ng Manila North Cemetery kahit ang mga bata na may edad 12 pababa.
Para hindi magiging super spreader ang pagtanaw ng Undas, gagawing mandatory ng Manila North Cemetery ang pagpapasuot ng face mask sa lahat ng papasok sa sementeryo.
Matatandaan na una nang nagpasabi ang DOH na maaring magiging super spreader ang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo kung hindi masusunod ang mga health protocol.
Ang mga may comorbidity pati ang mga senior citizen na hindi naman bakunado ay hinihikayat ng pamunuan na huwag nang pumunta ng sementeryo.
Payo rin ng Manila North sa publiko na huwag sumabay sa influx o pagdagsa ng tao sa Nov. 1 at 2 lalo pa at long weekend naman.
Ngayon pa lang, maari nang dumalaw sa sementeryo gaya ng ginawa ng iba na piniling agahan ang pagbisita sa sementeryo.
Pwede rin ang bumisita sa sementeryo sa Nobyembre 3 upang hindi sumabay sa bulto ng tao na pupunta ng sementeryo.
Ngayong araw ng Martes, October 25 ang huling araw na papayagan ng Manila North Cemetery ang paglilinis sa puntod.
Bukas ay hindi na papayagan ang mga papasok na magdala ng pintura.
Simula October 29 naman ay hindi papayagan ng pamunuan ang pagdadala ng mga pet o alaga nilang hayop sa loob ng sementeryo.
Bawal din ang pagdala ng mga matatalim na bagay, at pagpapasok ng sariling sasakyan sa loob ng sementeryo.
Bawal magdala ng inuming nakalalasing at pangsugal sa loob ng sementeryo.
Hindi rin papayagan ang mga nagtitinda sa sementeryo maliban na lamang ang mga vendors na dati nang may pwesto.
Bukas ang sementeryo mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon bukas.