SINIMULAN na nitong Huwebes, Oktubre 19 ang pangangampanya ng mga kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) position na magtatagal hanggang Oktubre 28 bago ang bisperas ng halalan.
Ang Gitnang Luzon ay may kabuuang 7,553,884 na rehistradong botante para sa barangay elections at 2,458,090 rehistradong botante para sa Sangguniang Kabataan Elections.
Na kung saan mayroong 8,607 kandidatong sa pagka-kapitan ng barangay at 8,042 para sa SK chairperson mula sa 3,105 barangay sa Gitnang Luzon.
Ngayong panahon ng kampanya, binigyang-diin ni Elmo Duque ng COMELEC-3 Assistant Regional Director na pinapayagan ng ahensiya ang mga kandidato na magsagawa ng kanilang propaganda sa halalan sa telebisyon, radyo, pahayagan o iba pang medium na nakasailalim sa limitasyon sa mga awtorisadong gastos ng mga kandidato.
Pinahihintulutan din ng ahensiya ang mga poster na yari sa tela, papel o karton na may sukat na hindi hihigit sa 2-3 talampakan.
Kamakailan naglabas ng 675 show cause order ang COMELEC sa mga kandidato ng BSKE sa Gitnang Luzon dahil sa umano’y alegasyon ng maagang pangangampanya at vote buying na isinagawa ng mga ito.
Kaya naman pinaalalahanan ni Duque ang mga kandidato na kasama nito ang maraming abogado na kabilang sa task force upang suriing mabuti ang mga ebidensiya na magpapatunay sa diskwalipikasyon ng mga kandidato na kung sakaling manalo at maiproklama ang mga ito, sila pa rin aniya ay madidiskwalipika kapag napatunayang nagkasala sa paglabag sa mga panuntunan sa halalan.
“We have a lot of lawyers that are included in the task force to evaluate the substance and the evidence, if there is substantive evidence to warrant the disqualification of the candidates even if the candidates win and are proclaimed, they will still be disqualified once found guilty of violating election rules,” ayon kay Elmo Duque, COMELEC-3 Assistant Regional Director.
Bukod sa diskwalipikasyon, ang mga lumabag ay maaari ding harapin ang mga kaso sa election offense at maaring mapatawan ng pagkakakulong sa pagitan ng isa at anim na taon; pagkawala ng karapatan sa pagboto; at panghabang-buhay na diskwalipikasyon na humawak sa anumang pampublikong katungkulan.