10 LGUs, parte ng €60-M grant ng EU—DENR

10 LGUs, parte ng €60-M grant ng EU—DENR

IBINAHAGI ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ilang updates sa nilagdaan nitong Joint Declaration on the Green Economy Program (GEP) kasama ang European Commission (EC).

Tinukoy ng DENR ang 10 local government units (LGUs) na isasaalang-alang para sa €60-M grant para sa local circular economy, solid waste management, at climate change mitigation measures.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, sinabi ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na ang €60-M grant ay isang alok ng European Union (EU) para sa nabanggit na mga layunin.

Nilagdaan ng DENR kamakailan ang joint declaration para sa Green Economy Program sa Pilipinas sa gitna ng pagbisita ni European Commission President Ursula von der Leyen.

Kabilang sa mga highly urbanized LGUs na ikinokonsidera para sa €60-M grant ang Baguio City, Pasig City, Quezon City, Caloocan City, Davao City, gayundin ang Ormoc City, Island Garden City of Samal, Metro Iloilo, at ang mga isla ng Palawan, at Siargao.

Bagama’t hindi pa kumpleto ang mga detalye ng mga proyekto, sinabi ni Yulo-Loyzaga na tinukoy na ng DENR ang mga potensiyal na LGU dahil sila ang frontliners sa solid waste management efforts sa bansa, partikular sa pagkontrol ng methane releases mula sa solid waste landfills.

“The 60 million (euro) grant is an offer by the EU principally for the purpose that you just mentioned. The details of which still have to be worked out and defended at the NEDA-ICC (National Economic Development Authority-Investment Coordinating Committee). So, we’re in the process of actually putting the necessary documentation together,” ayon kay Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga, DENR.

Sa tanong naman kung kailan mararamdaman ng Pilipinas ang epekto ng EU grant, sinabi ni Loyzaga na target nito na sa Nobyembre ngayong taon, ay maisagawa ang lahat ng kanilang submissions para sa assessment ng NEDA Board.

Pero habang hinihintay ang NEDA approval, sinabi ng kalihim na ang gobyerno ay nagsisimula na ngayon sa sarili nitong mga pagsisikap para sa isang green economy, base sa umiiral na polisiya at regulasyon.

“In the meantime though, we are embarking on our own efforts to green our economy already, given that we have in place the legislation that we need especially to oblige those large enterprises that actually are the main sources of plastic packaging to begin their collection and to begin their proper disposal of their packaging products,” dagdag ni Sec. Loyzaga.

61-K metriko tonelada ng basura, itinatapon sa bansa kada araw—DENR

Samantala, ibinahagi naman ng kalihim na nasa humigit-kumulang 61,000 metriko tonelada ng solid waste ang naitalang itinatapon sa Pilipinas araw-araw.

24 porsiyento ng mga basurang ito ay binubuo ng plastic waste.

Mahigit 160-M plastic sachet packet ang nakokonsumo at nagagamit sa bansa at mahigit 40 milyong shopping bag at thin film bags sa isang araw.

Ang mga materyales na ito ang pinipigilan ng gobyerno na makarating sa marine at coastal areas ng bansa dahil sa nakakapinsalang epekto nito.

Ang Green Economy Program ay naglalayon na suportahan ang paglipat ng Pilipinas tungo sa isang green economy, kabilang ang mga inisyatiba sa circular economy, pagbabawas ng basura at plastik, gayundin ang pagtaas ng energy efficiency at renewable energy deployment para suportahan ang climate change mitigation.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble