ARESTADO ang dalawang katao sa pagbebenta ng agricultural chemical products na dapat sana’y libreng ipinamimigay sa mga benepisyaryong magsasaka sa Isabela.
Kinilala ng mga pulis ang mga suspek sa alyas na Rowena at Dennis na nahuli sa buy-bust operation sa Brgy. San Fermin, Cauayan City noong Abril 5, 2025.
Narekober mula sa kanila ang 43 sako ng mga produktong may tatak ng Department of Agriculture (DA) na nagkakahalaga ng P1.75 milyon.
Kinuha rin ang isang puting L300 van na ginamit sa transportasyon ng mga produkto.
Ang mga kemikal ay bahagi ng programang suportang pang-agrikultura ng gobyerno na layong mapabuti ang ani ng mga magsasaka, at may tatak na “not for sale.”
Sinampahan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 8 ng Presidential Decree 1144 at Republic Act 7394 o Consumer Act dahil sa ilegal na pagbenta at paghawak ng mga produktong mula sa gobyerno.