2 sugatang miyembro ng Pakistan Navy, nailigtas

2 sugatang miyembro ng Pakistan Navy, nailigtas

NAILIGTAS ng tropa ng Naval Forces Northern Luzon sa ilalim ng Northern Luzon Command ang dalawang sugatang tauhan ng Pakistan Navy Ship Shamsheer na tumatawid sa karagatan ng Ilocos Sur.

Ayon kay AFP NOLCOM spokesperson Lieutenant Colonel Elmar Salvador, patungong Korea ang barko bago tumuloy sa Japan para sa Fleet Review ng Japanese Maritime Self-defense Force (JMSDF) nang mangyari ang insidente.

Nabatid na nagtatrabaho ang dalawang tauhan sa forecastle ng barko nang magtamo ng pinsala dahil sa masamang lagay ng karagatan.

Agad tinugunan ng mga awtoridad ang distressed radio message at pinadaong ang barko sa Sta. Ana, Cagayan kung saan binigyan ng atensyong medikal bago tuluyang inilipat sa Grupo Medico de Dios Hospital sa Cagayan.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Lieutenant Commander Mudassir Aziz Tamimi (executive officer) na nagtamo ng leg at arm fractures, at Zia-Ul-Islam (chief petty officer) na nagkaroon ng head injuries.

Samantala, pinuri naman ni AFP NOLCOM commander Lieutenant General Ernesto Torres Jr. ang mabilis na pagresponde ng tropa ng Navy at hinikayat na panatilihin ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa emergency situations.

Follow SMNI NEWS in Twitter