TINATAYANG nasa 20K na dating foreign POGO workers ang aalis sa bansa sa susunod na mga araw bago ang Disyembre 31 deadline na ibinigay sa kanila.
Hanggang nitong Nobyembre 7, halos 21.8K (21,757) POGO workers na ang nag-volunteer na mai-downgrade bilang temporary visitor visas ang kanilang work visas.
Halos 11K (10,821) mula sa naturang bilang ay umalis na rin sa Pilipinas ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Sa kabilang banda, noong Oktubre, mayroong 12K (12,106) na foreigner workers naman ng POGO ang nakansela ang visas dahil ayaw ng mga ito na mai-downgrade ang kanilang work visas.
Kaugnay rito, sinabi ng Immigration na kung sino ang hindi susunod sa deadline na itinalaga para sa kanila ay mahaharap sa deportation at isasali sa blacklist.
Matatandaan na ngayong taon ay ipinag-utos ng Malacañang ang nationwide ban ng operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ito’y matapos nakitaan na nasasangkot ang POGO operations sa iba’t ibang mga krimen.