26 bansa, dumalo sa kauna-unahang Indo-Pacific regional meet kaugnay sa epekto ng AI sa pamumuhay at seguridad ng tao

26 bansa, dumalo sa kauna-unahang Indo-Pacific regional meet kaugnay sa epekto ng AI sa pamumuhay at seguridad ng tao

PINANGUNAHAN ng Pilipinas sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of National Defense (DND) at Nonviolence Int’l Southeast Asia ang hosting ng kauna-unahang Manila meeting sa mga miyembro ng Indo-Pacific region simula ngayong araw ng Miyerkules Disyembre 13-14, 2023.

Tinalakay ng nasa 26 na mga bansa ang magaganda at masamang epekto ng mga makabagong teknolohiya sa mundo partikular na ang paggamit ng artificial intelligence (AI).

Bagama’t kinikilala ng mga kalahok ang magandang dulot ng teknolohiya, maaari anila itong magdulot ng kapahamakan sa seguridad at pamumuhay ng mga tao.

Ilan sa mga posibleng mangyari anila ang pagsiklab ng digmaan gamit ang makabagong teknolohiya lalo na sa mga malalaki at malalakas na bansa.

Ayon kay Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, pilit na sinisikap ng Pilipinas na makipagsabayan sa pagbabago ng mundo para mapaunlad ang sektor ng politika at usaping sosyal.

Inaasahan sa nasabing pulong na mapag-aaralan ang maayos na sistema, regulasyon at patakaran sa tamang paggamit ng teknolohiya na ‘di magdudulot ng ikasisira ng buhay saan mang dako ng mundo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter