MAHIGIT 360 dayuhan na may hawak ng kanilang pasaporte ang nailikas na mula sa Gaza Strip patungong Egypt noong Miyerkules, dahil sa tumitinding bakbakan sa bansang Israel kontra Hamas.
Sa ulat ng Egyptian state media, 361 na mga dayuhan ang may hawak ng kanilang mga pasaporte kabilang ang 46 na nasugatan ang nakaalis na sa Gaza sa pamamagitan ng Rafah Crossing at ngayon ay nakarating na sa Egypt.
Ayon kay Japanese Foreign Minister Yoko Kamikawa noong Huwebes, nakarating na sa Egypt ang 10 Japanese national kasama ang kanilang mga pamilya na umaasang makakaalis sa lugar na pinamumunuan ng Hamas.
Limang Japanese citizen’s kabilang ang tauhan ng United Nations at International Aid Group Medecins San Frontieres o mas kilala sa English name nito na doctors without borders ang nasa listahan ng mga evacuees ang nailikas na ng mga awtoridad sa Gaza.
Ayon sa mga awtoridad ng Gaza, ang crossing sa Southern Gaza ay muling magbubukas sa Biyernes kung saan may 500 foreign nationals ang pinapayagang umalis sa Gaza Strip.
Sa ngayon, mahigit 10,000 katao na ang nasawi mula sa Israel-Hamas conflict at karamihan sa mga ito ay nagmula sa Gaza.
Ayon naman kay Japanese Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno nitong Huwebes, isang Japanese citizen na nakatira sa Gaza kasama ang kaniyang pamilya ang patuloy nilang kinukumbinsi dahil ayaw nitong iwanan ang lugar sa kabila ng matinding bakbakan at mga pagsabog sa siyudad.
Ayon sa tagapagsalita ng gobyerno ng Japan, ang bansa ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Israel at Gaza upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan nito habang patuloy na ginagawa ang diplomatikong pagsisikap tungo sa pag-aayos ng sitwasyon at pagpapagaan ng humanitarian crisis.
Samantala, inanunsiyo ni Foreign Minister Kamikawa ang apat na araw na paglilibot sa Israel at Jordan mula Huwebes at bibisita rin ito sa Ramallah sa West Bank para sa pakikipagpulong kay Palestinian Foreign Minister Riad Malki.