DAKONG alas 4:20 ng madaling araw nito lang Mayo 20, nagsagawa ng isang buy-bust operation ang Rodriguez Municipal Police Station katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal.
Ayon sa ulat, naaresto ang apat na suspek na sina: alyas Enan, 46 taong gulang, mula sa Brgy. Guitnang Bayan, San Mateo, Rizal at alyas Junior, 22 taong gulang, mula sa Brgy. Manggahan, Rodriguez na parehong construction worker.
Alyas Negro, 29 taong gulang, at alyas Rose, 28 taong gulang, na parehong walang trabaho at residente din ng Brgy. Manggahan, Rodriguez.
Patuloy namang pinaghahanap si alyas James, residente ng Brgy. San Rafael, na sasampahan ng kaukulang kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 Sections 5 at 11 bilang isang high-value individual na sangkot umano sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.
Nakumpiska sa operasyon ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets at isang knot-tied plastic cellophane na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na mahigit 100 gramo at ₱788,800.
Narekober din ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na 1,000 bill at limang piraso na boodle money, isang itim na sling bag, at iba pang ebidensiya.
Ayon sa paunang imbestigasyon, si alyas Enan umano ay kumukuha ng ilegal na droga mula sa Payatas, Quezon City, at ibinabagsak ito sa ilang barangay sa Rodriguez, Rizal.
Samantala, ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay agad na dinala sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa kaukulang drug test at forensic examination.
Patuloy namang pinaigting ng kapulisan sa Rizal ang kampanya laban sa ilegal na droga at muling nananawagan sa publiko na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga kahina-hinalang aktibidad para mas mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.