5 consignees ng smuggled agri products, sasampahan ng kaso ng DA

5 consignees ng smuggled agri products, sasampahan ng kaso ng DA

PINAPLANTSA na ng Department of Agriculture (DA) ang kasong isasampa laban sa 5 consignee ng mga smuggled agricultural products sa bansa gaya ng sibuyas.

Sa isinagawang briefing ng DA, ipinahayag ni Asec. James Layug na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Justice (DOJ) para mapanagot ang mga consignee sa paglabag sa RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 at Food Safety Act.

Pinaplano rin ng DA na bumuo ng legal task force na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga nangyayaring agricultural smuggling.

Sa kasalukuyan, aabot na aniya sa P500-M ang halaga ng smuggled agri products na nahaharang ng DA sa mga pantalan.

Mula rito, nasa 300,000 kilos na ang smuggled na sibuyas ang nasabat na karaniwang nagmumula sa China.

Bukod naman sa sibuyas, kabilang pa sa nakumpiska ay ang ilang imported na karneng baka, isda, carrots at asukal.

Ipinunto pa ni Asec. Layug, mahalagang masawata ang mga smuggled na agri products at mapigilan ang pagkalat nito sa merkado lalo’t malaking panganib na dulot nito sa kalusugan ng mga Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter