5 kumandidato sa pagka-senador at ilang party-list bigong makapagsumite ng SOCE

5 kumandidato sa pagka-senador at ilang party-list bigong makapagsumite ng SOCE

LIMA sa 66 na kandidato sa senatorial race, tatlo sa 28 partido, at 12 sa 154 party-list na lumahok sa May 12 midterm elections ang hindi nakapagsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

‘Yan ay batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng COMELEC.

Lahat ng kandidato—panalo man o talo—ay obligadong magsumite ng SOCE.

Ilan sa mga nakapaghain ng kanilang SOCE ay si KOJC Leader Pastor Apollo Quiboloy at ang mga pambato ng PDP Laban.

Kahapon, Hunyo 11, araw ng Miyerkules, ang huling araw ng pagsusumite ng dokumento.

Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia, pagpapaliwanagin at posibleng mapatawan ng multa ang mga bigong makapagsumite ng kanilang ulat hinggil sa campaign spending at natanggap na donasyon.

Nasa P5K-P10K ang maaaring ipataw na multa.

Para naman sa mga lokal na kandidato, ang hindi pagsusumite ng SOCE ay posibleng maging hadlang para makaupo sa puwesto.

Kapag dalawang magkasunod na beses na nabigong magsumite ng SOCE ang isang kandidato, maaaring maging basehan ito para sa perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno.

Ang mga SOCE ng kandidato ay ilalathala rin sa website ng COMELEC upang masuri ng publiko. Hindi ito dapat itinatago o inililihim.

Karaniwan umanong inaabot ng hanggang anim na buwan bago makumpleto ng COMELEC ang audit sa mga isinumiteng SOCE.

Ikinukumpara ng komisyon ang SOCE report ng mga kandidato sa mga ulat na galing sa mga TV at radio stations.

Kapag sobra ang natanggap na donasyon ng isang kandidato, obligado siyang magbayad ng buwis.

Tumatanggap din ang COMELEC ng reklamo kaugnay ng SOCE ng mga kandidato.

Ang mga lumampas sa itinakdang spending limit ay maaaring masampahan ng election offense—panalo man o talo.

Samantalang ang mapapatunayang nagsinungaling sa SOCE ay maaari ding masampahan ng reklamong perjury.

COMELEC: Panahon na para itaas ang campaign spending limit

Matatandaang sa ilalim ng batas, ang mga kandidato sa national positions ay pinapayagang gumastos ng hanggang P5 kada botante kung independent, at P3 naman kung may partido.

Pero ayon kay Chairman Garcia, hindi na ito realistic sa panahon ngayon, kaya’t kailangan na ng batas para baguhin ito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble