MATAAS ang itinaas ng daily arrivals sa bansa ngayong buwan ng Disyembre ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Mula sa 50 libo sa unang linggo ng Disyembre, nakapagtala ang BI ng 60 libong arrivals kada araw ngayong Christmas week.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, noong Disyembre 1 ay nakapagtala ang BI ng mahigit 51 libo sa lahat ng international airports ng bansa.
At nitong Disyembre 22 ay tumaas ang arrival sa mahigit 59 na libo.
Samantala, mula sa mahigit 25 libo na departures noong Disyembre 1 ay tumaas naman ito sa mahigit 31 libo noong Disyembre 23.
Hiniling naman ni Commissioner Tansingco sa mga Pilipinong uuwi ng bansa na gumamit ng e-gates para sa mas mabilis na pagkuha ng Immigration clearance.
Habang ang mga pasahero ay pinaalalahanan din na magparehistro sa pamamagitan ng e-Travel portal ng at least 72 hours bago ang kanilang pagdating o pag-alis mula sa bansang kinaroroonan.
Pinasalamatan naman ni Tansingco ang mga Immigration officer na naka-duty ngayong holiday season at isinakripisyo ang kanilang panahon na makasama ang kanilang pamilya para lang makapagsilbi sa publiko.