70-M indibidwal, target na mairehistro para sa national ID ngayong taon

TARGET ng Philippine Statistics Authority (PSA) na makapagrehistro ng 70-M indibidwal ngayong taon para sa national ID.

Ayon kay PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista, upang maabot ang 70 milyon, nagkaroon ng karagdagang procurement ang ahensya ng kanilang registration machines o registration kits.

Nagpatupad din ang PSA ng ibat ibang mga estratehiya para tuluy-tuloy pa rin ang kanilang operasyon kahit may pandemya.

Kasabay nitoy ang pagtitiyak na nakasusunod pa rin ang ahensya sa mga patakaran o health protocols na ipinaiiral ng mga local government unit.

Muli namang ibinahagi ni Bautista na nahahati sa tatlong dibisyon o hakbang ang pagpaparehistro sa National ID System.

Sa Step 1, mayroong nagba-bahay-bahay at kinokolekta ang demographic information ng indibidwal.

Bibigyan naman sila ng iskedyul kung kailan pupunta sa registration center para kuhanan ng biometric info.

Inumpisahan ang paunang hakbang na ito noong Oktubre taong 2020.

Mula Oktubre hanggang Disyembre ng 2020, nakapagpalista na ang PSA ng 10.6 million mula sa 32 mga probinsya.

Enero hanggang Marso naman ngayong 2021, tuluy tuloy ang registration saklaw ang mga probinsya sa bansa kung saan nakapagtala sila ng 17.4 milyon.

Sa Mayo, nakatakda nang buksan ng PSA ang kanilang online portal para sa pagpaparehistro.

Sa step 2, tutungo na sila sa registration center at kukunin ang biometric information.

Sa pinakahuling tala nitong Abril 20, nakapaglista na ang PSA ng 4.6 million registrants.

Sa Step 3 naman, iisyuhan sila ng tinatawag na PhilSys number at hihintayin na lamang nila ang kanilang ID card.

Inaasahan namang sa buwan ng Mayo, mapabibilis na ang card production kung saan 106,000 ang maaaring ma-produce kada araw.

Sa kabilang banda, nilinaw ng PSA ang ulat patungkol sa kawani ng ahensya na nagpositibo sa COVID-19 sa Polangui, Albay.

Paliwanag ni Dir. Cynthia Perdiz, Regional Director ng PSA-Region V, hindi enumerator ang nagpositibo, kundi ang registration kit operator ng National ID System sa naturang bayan.

Kaugnay naman sa panawagan ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda na pansamantalang itigil ang door-to-door at face-to-face data collection para sa National ID system ay naipaabot na rin ito sa national statistician ayon kay Perdiz.

Gayunpaman, bilang aksyon na rin sa apela ng mambabatas, lahat ng registration centers para sa National ID system ng PSA sa ikalawang distrito ng Albay kasama ang sa Polangui, ay pansamantala nang isinara.

(BASAHIN: Duterte, nagparehistro na para sa National Identification System)

SMNI NEWS