HIGIT 200 persons deprived of liberty (PDLs) ang nakalaya nitong Biyernes, habang halos 800 ang kabuuang bilang ng mga nakalaya sa buwan ng Pebrero.
Ibinahagi ng mga dating bilanggo ang kanilang mga karanasan at pag-asa para sa isang bagong simula, habang patuloy ang pagsisikap ng Bureau of Corrections (BuCor) na mabawasan ang bilang ng mga bilanggo sa bansa.
Higit 10 taon sa kulungan, isang dekada ng pagsisisi, at 7 buwan sa rehabilitasyon—ito ang pinagdaanan ni Romeo Buhay, isang dating bilanggo na ngayon ay magsisimula ng panibagong buhay matapos makalaya mula sa pagkakakulong dahil sa kasong illegal drugs.
Ipinangako ni Buhay na hindi na muling gagamit ng ipinagbabawal na gamot.
“Napabayaan ko po ang pamilya ko, 10 taon akong nakulong, pamilya ko hindi ko naasikaso, kaya po talagang napakahirap,” ayon kay Romeo Buhay, dating PDL.
Aminado siyang mahirap sa umpisa, ngunit ngayon ay malaya na siya mula sa pang-aalipin ng droga.
“Dapat po iwasan na po nila ang droga kasi wala naman talagang magandang mangyayari sa kanila, pag nagdo-droga sila, pag nahuli sila, kulong ang aabutin nila,” ani Buhay.
Samantala, nangako naman ang kaniyang asawa na gagawin nila ang lahat para hindi na siya bumalik sa masamang bisyo.
“Kasi matatanda na po kami, para makaiwas siya sa mga nakapaligid sa amin, sana maging maayos na kami pag-uwi niya,” wika ni Divina Buhay, asawa ni Romeo Buhay.
Muling pagkikita ng mag-ama
Naging emosyonal naman ang muling pagkikita ng mag-amang Rogelio at Jesaries Tingal matapos ang 6 na taon ng pagkakahiwalay.
Ayon kay Rogelio Tingal, nakulong siya dahil sa kasong homicide, at itinuturing niyang pagsubok ng Diyos ang nangyari sa kanya.
“Siguro pagsubok ng Diyos na madulas tayo kaya nga… (umiiyak)… nangyari talaga, pero ‘di bale na lang, naano naman ako sa kanyang panalig para hindi na madulas muli,” ani Rogelio Tingal, dating PDL.
Lubos naman ang kasiyahan ng kaniyang anak na si Jesaries na makasama muli ang ama.
“Masarap sa feeling na makasama namin ang tatay namin, happy kami na nakaraos na siya,” dagdag ni Jesaries Tingal, anak ni Rogelio Tingal.
Ayon kay BuCor Director Gregorio Catapang, higit 200 PDL ang nakalaya nitong Biyernes, na umabot na sa halos 800 sa buong buwan ng Pebrero.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), umabot na sa halos 20,000 ang kabuuang bilang ng mga nakalayang PDL mula Hunyo 2022 hanggang Pebrero 28, 2025.
Patuloy ang pagsisikap ng BuCor na makapagpalaya ng 5,000 PDL kada buwan upang mabawasan ang pagsisikip sa mga piitan.
“Actually, nasubmit na sa kanila ang 1,000 pero kailangan pa rin nila ‘yung hard copy na sine-submit namin. Every day may nire-report kami na 100, in five days time, 500 na ‘yung narereport namin. Sila naman, over the weekend i-check nila kung tama ‘yung computation namin, so hopefully every week may 1,000 na mare-release,” ayon kay Gen. Gregorio Catapang (Ret.), director general, BuCor.