SC, pinagtibay ang pagbasura ng Sandiganbayan sa P1.05-B ill-gotten wealth case ng mga Marcos

SC, pinagtibay ang pagbasura ng Sandiganbayan sa P1.05-B ill-gotten wealth case ng mga Marcos

KINATIGAN at pinagtibay ng Korte Suprema ang ginawang pagbasura ng Sandiganbayan sa kasong sibil na inihain ng gobyerno laban kina Ferdinand Marcos Sr. at Imelda Marcos maging sa mga cronies nito na sina Bienvenido Tantoco Sr., Bienvenido Tantoco Jr., estate of Gliceria Tantoco at Dominador Santiago dahil sa kawalan ng ebidensiya.

Ang kaso ay may kinalaman sa umano’y nakaw na yaman ng mga Marcos na nagkakahalaga ng P1.05-B.

Matatandaang taong 2019 nang binasura ng Sandiganbayan ang civil case na inihain ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban sa mga Marcos noong taong 1987.

Binasura ito ng Sandiganbayan dahil na rin sa mga isinumiteng photocopy na mga dokumento ng complainant na walang sumusuportang orihinal na anito ay paglabag sa Best Evidence Rule.

Hindi rin ikinunsidera ng Sandiganbayan ang iba pang ebidensiya ng PCGG dahil hindi anito naipresenta sa mga discovery proceedings.

Ang gobyerno ay naghain ng motion for reconsideration pero hindi rin kinatigan ng Sandiganbayan.

Dahil dito, inakyat nila ang usapin sa Korte Suprema at naghain ng petition for certiorari na umaapela na rebyuhin ng korte ang naging desisyon ng Sandiganbayan.

Sa akusasyon ng PCGG, nag-withdraw ng pera ang dating Pangulong Marcos Sr. mula sa National Treasury at ito ay kaniyang ipinamahagi sa mga iba’t ibang indibidwal para maitago ang nakaw na yaman.

Ang ibang respondents ay sinasabing nakipagkolaborasyon sa mga Marcos para sa pagkuha ng nakaw na yaman kung saan si Santiago at mga Tantocos ang nagsilbing dummies ng mga Marcos.

Pero sa lumabas na desisyon ng korte, ayon sa Korte Suprema, walang merito ang mga akusasyon.

Anito ang mga dokumento na isinumite ng gobyerno ay hindi kayang patunayan ang mga alegasyon laban sa mga respondents.

“While it is truly disappointing that nothing has come of this case despite the lapse of 36 years spent in litigation, the Court agrees with the Sandiganbayan that petitioner’s evidence is insufficient to support the allegations of it’s expanded complaint by preponderance of evidence,” pahayag ng Supreme Court.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter