UNTI-Unti nang nakakarekober ang mga vegetable farmer sa La Trinidad, Benguet matapos ang mga nagdaang kalamidad na sumira sa kanilang mga pananim.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News NCL kay La Trinidad, Benguet Mayor Romeo K. Salda, sinabi nito na sapat ang suplay ng mga gulay sa kanilang merkado at unti-unti nang nakakabawi ang mga magsasaka ng lugar.
‘‘Dahil nga sa effect ng previous typhoon, nagre-recover naman ‘yung iba, so static ang October, November, madaming nagde-deliver ng gulay. Salamat na din sa provincial government at iba pang LGU na nagbigay ng mga gamit sa mga farmers, nakabawi sila,’’ ayon kay Mayor Romeo K. Salda, La Trinidad, Benguet.
Matatandaan na sa kasagsagan ng Bagyong Egay noong Hulyo taong kasalukuyan ay aabot sa halos P90-M ang halaga ng pinsala na naitala sa buong Cordillera Region kung saan nilubog ng baha ang strawberry farm ng La Trinidad.
Kilala ang La Trinidad, Benguet bilang ‘‘Salad Bowl of the Philippines’’ dahil na rin sa mga pananim nitong gulay.
Ngayong panahon din ng taglamig ay nakahanda na rin ang mga magsasasaka sa “andap” o pagyeyelo ng kanilang mga pananim at hindi na aniya kailangan pang mag-alala pagdating sa supply nito.
‘‘Alam na nila ang ginagawa ng mga farmer kasi tuwing September, October, November may mga snow, kaya ang ginagawa nila ang mga tinatatanim nila mga sibuyas ay mga onion leaf at saka ‘yung mga hindi masyado ano ng snow,’’ saad pa ni Mayor Salda.
Bukod pa rito ay talagang dinadayo na rin ng mga turista mula sa lokal at foreign ang La Trinidad, hindi lang dahil sa sikat nitong strawberry farm kundi maging sa mga agri-tourism nito.
Samantala, payapa naman ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at walang kahit anong klase ng insidente gaya ng vote buying o alitan sa pagitan ng mga kandidato ang nagaganap sa munisipalidad.
Sa katunayanan ay sama-sama pang nangangampanya ang mga kandidato sa kanilang lugar lalo na’t para din naman sa kanilang bayan ang dahilan ng kanilang pagtakbo.
‘‘Magpipinsan lang naman din kasi ang mga barangay kaya magandang sama-sama na lang sila, depende na lang din sa tao kung sino ang pipiliin,’’ dagdag pa ni Salda.
Nagpapasalamat naman ito sa kanilang mga local tourist at hinikayat na bumisitang muli ang mga ito at asahan na marami pang mga agri-tourist sites ang bubuksan ng kanilang munisipalidad.