NAGKA-tensiyon sa pagdinig ng Senado matapos magkainitan si Sen. Raffy Tulfo at Presidential Peace adviser Carlito Galvez, Jr.
Sa pagding ng Senate Committee on National Defense ay tila umuusok sa galit si Galvez kasunod ng alegasyon ni Tulfo na may bahid ng kurapsiyon ang programa para sa pagbabalik-loob sa gobyerno ng mga dating miyembro ng MILF.
Ang alegasyon ng kurapsiyon ay dala ng report ni Galvez sa komite.
Binanggit ni Tulfo na sa report ni Galvez, nasa 26,132 na combatants na ang nadis-armahang rebelde, pero nasa 4,625 lamang na armas ang naisuko sa gobyerno.
Ang bawat combatant ay tumanggap ng P100-K ayon naman kay Galvez.
Para kay Tulfo may anomalya rito dahil ang cash grants na naipamahagi ng gobyerno ay umabot na sa P2.6-B.
Nang sinabi ni Galvez na hindi sila kurap ay nilinaw naman ng senador na hindi si Galvez ang kaniyang tinutukoy kundi ang mga tao na nasa kaniyang organisasyon ang posibleng kurap.
Pero sa kabila nito ay nanindigan pa rin si Tulfo na may nangyayaring kurapsiyon.
Ang pagiging defensive ni Galvez ay pinuna na rin ng senador sabay hamon sa kalihim na magpakita ng ebidensiya na hindi sila kurap.