IBINASURA ng National Security Council (NSC) ang mga panawagan ng mga makakaliwang grupo na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, tutol ang ahensiya sa abolisyon ng NTF-ELCAC sapagkat wala naman itong batayan.
Maaari ding ayaw lamang aniya ng makakaliwang grupo na magtagumpay ang gobyerno sa laban nito kontra communist terrorist groups (CTGs) na Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
“Unfounded talaga and uncalled for itong mga panawagan na ito,” pahayag ni Jonathan Malaya, Assistant Director General, NSC.
“So itong mga gusto na buwagin ang NTF-ELCAC, very obvious na ang gusto nila ay hindi magtagumpay ang pamahalaan. Gusto nila, magtuluy-tuloy lang ang NPA. Gusto nila magulo pa rin iyong ating mga barangay,” aniya.
Ayon pa kay Malaya, ang mga nananawagang buwagin ang NTF-ELCAC ay nagbibigay lamang ng mga alang kuwentang ideya sa paniniwalang anti-peace at anti-development.
Ibinahagi ng NSC official na malaking tulong ang NTF-ELCAC sa pagpapahina ng mga guerrilla front.
Binigyang-diin ni Malaya na ang NTF-ELCAC ay naging instrumento at “game changer” sa matagumpay na kampanya laban sa NPA at kanilang mga kaalyado at front organization.
Ipinahayag din ni Malaya na hindi kailanman tatanggalin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang task force na kaniyang pinamumunuan at napatunayang matagumpay sa pagdadala ng kapayapaan at kaunlaran sa mga malalayong lugar sa bansa.
Ang mga panawagang pagbuwag sa NTF-ELCAC ay ginawa ng grupong Karapatan, Gabriela, Human Rights Watch (HRW), at iba pang mga kaalyado ng kilusang komunista matapos ang naging desisyon ng Supreme Court na nagsasaad na ang “red-tagging” ay banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng mga tao.
Kaugnay rito, ipinunto ni Malaya na wala saanman sa 39-pahinang desisyon ng Supreme Court, na nagbigay ng Writ of Amparo kay dating Bayan Muna party-list lawmaker na si Siegfred Deduro, ang nagsasaad na ang NTF-ELCAC ang may pananagutan sa red-tagging.
Ang desisyon ng SC ay wala aniyang kinalaman sa NTF-ELCAC.
“In that case, there was a petition of the Writ of Amparo at sabi ng Supreme Court, mali daw na ‘yung Regional Trial Court ay kaagad-agad dinismiss ‘yung kaso without giving the state or the government to respond.”
“Never did the Supreme Court link or relate red-tagging to NTF-ELCAC.”
“So maliwanag po iyan. Ito lang pong mga makakakilawang grupo ang pinipilit na pinipilit, na dinidikit ang NTF-ELCAC sa red-tagging,” ayon pa kay Malaya.
Sa kabilang dako, nagpahayag ng pagkadismaya ang dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si Dr. Lorraine Badoy sa naging desisyon ng Korte Suprema.
“The worst! It goes beyond the pale and this decision, in my opinion, endangers the lives, the liberties, and security of the Filipino people because what we are up against is the 15th deadliest terrorist organization in the world,” saad ni Dr. Lorraine Badoy, Former NTF-ELCAC Spokesperson.
Pinaboran ng Korte Suprema si dating Bayan Muna Congressman Deduro, na tinukoy ng mga dating kadre bilang ranking officer ng CPP-NPA-NDF.
Binaliktad ng Supreme Court ang desisyon ng Iloilo Regional Trial Court laban kay Deduro at pinagbigyan ang hirit nito na petition for writ of amparo matapos umanong mabiktima ng red-tagging.
Matatandaan na mismong ang founder ng CPP-NPA-NDF na si Joma Sison ang tumukoy sa Bayan Muna bilang legal front ng mga kalaban ng gobyerno.
Giit ni Sison, sadyang binuo ang Bayan Muna na ngayon ay isang party-list organization kasama ng ACT-Teachers, Gabriela at Kabataan para pasukin ang pamahalaan sa legal na paraan.
Noong Disyembre 2018, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order 70 na lumilikha sa NTF-ELCAC.
Ang nasabing task force ay naglalayong wakasan ang mahigit limang dekada nang insurhensiya na kinasasangkutan ng CPP-NPA-NDF.
Idineklara na rin ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang CPP-NPA bilang terorista kahanay ng iba pang terrorist groups gaya ng Islamic State East Asia, Maute Group, at Dawla Islamiya.