NASA Tsim Sha Tsui Centere nitong weekend ang daan-daang Filipino workers para sa MAISUG Peace Rally sa Hong Kong.
Ito na ang pangatlong pagtitipon ng mga OFW sa Hong Kong para ipanawagan ang Transparency, Accountability, Peace and Security sa mga taga-gobyerno ng Pilipinas.
Malayo man sa pinagmulan, pero hindi mapakali ang mga Pinoy worker sa Hong Kong dahil sa isyu ng girian ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Karamihang daing ng mga Pinoy sa nasabing lugar ang pangamba na baka bawian silang mga employer nilang Chinese. Sa gitna na rin ng tumitinding ‘China-hate’ ngayon sa Pilipinas dahil sa isyu sa WPS.
Bagay na ipinaliwanag ng mga Filipino speaker na dumalo sa pagtitipon.
Ayon kay dating Executive Secretary Vic Rodriguez, mahalaga na magsalita ang mga Pinoy sa Hong Kong sa isyu ng WPS.
“Kapag ka sumabog ang isang digmaan sa pagitan ng China at ng Pilipinas, ang unang tatamaan at maaapektuhan ay ‘yung mga kababayan natin dito sa Hong Kong,” ayon kay Atty. Vic. Rodriguez, Former Executive Secretary.
Mahigit sa 200,000 ang Pinoy workers ngayon sa Hong Kong, karamihan sa mga ito ay household workers at mga Chinese ang amo.
Kaya si dating Palace Spokesman Harry Roque, minabuting dumalo sa MAISUG Hong Kong para damayan ang mga OFW.
“Dahil ang OFW ang talagang bumubuhay sa ating bayan ngayon at kinakailangang madinig ang kanilang boses. Dahil kung wala ang luha at pawis ng OFW, lubog na ang ekonomiya sa administrasyon ni adiktador Jr,” ayon naman kay Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesman.
Inisa-isa naman sa aktibidad ang iba pang mga problema ng bayan gaya ng mahal na presyo ng mga bilihin, kakulangan ng trabaho, isyu ng korapisyon sa gobyerno, at pagbabalik ng problema sa ilegal na droga.
“Ang tunay na estado ng Pilipinas, niri-reflect ng mga ganitong pagtitipon. So, ‘yung mga hinaing na naririnig ninyo dito ibig sabihin ang tingin ng mga tao mahalaga na siya at laganap na kaya kailanan nang magsalita,” ayon naman kay Atty. Trixie Cruz-Angeles, Former Press Secretary.
“So, itong mga ganitong pagdiriwang ay binubuhay natin muli ‘yung ating pakialam sa ating bansa at ang ating pagmamahal sa kinabukasan ng ating bayan,” ayon kay Sass Rogando Sasot, Foreign Relations Scholar.
Present din sa event si former Congressman at Anti-election Fraud Advocate Atty. Glenn Chong.
Sa huli, umaasa ang mga Pinoy sa Hong Kong na magkakaroon ng pagbabago sa foreign policy ng administrasyon at mailayo sa banta ng giyera ang bansa.
“At isa sa mga pinaka-importante, I think is ‘yung usapin ng giyera. Na sana hindi mauwi ang Pilipinas sa giyera. At magkaroon tayo ng foreign policy na independent at hindi beholden sa United States,” giit naman ni Prof. Anna Malindog-Uy, Geopolitical Analyst.