Sen. Bato umaasa na isaalang-alang ng Malacañang ang mahigpit na pangangailangan ng reporma sa PNP

Sen. Bato umaasa na isaalang-alang ng Malacañang ang mahigpit na pangangailangan ng reporma sa PNP

UMASA si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na isasaalang-alang ng Malacañang ang mahigpit na pangangailangan ng isang batas na magrereporma sa Philippine National Police (PNP).

Ginawa ng mambabatas ang pahayag habang ikinalulungkot ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-veto ang Senate Bill 2249 at House Bill 8327 na nagsusulong ng reporma sa organisasyon ng PNP.

Ayon kay Dela Rosa, ang pangunahing nag-sponsor ng SB 2249 o An Act Providing for Organizational Reforms in the Philippine National Police, ang nasabing panukalang batas na ito ay inendorso ng PNP at ng Department of the Interior and Local Government dahil ito ay may layuning tugunan ang mga kakulangan sa batas na matagal nang kinakaharap ng organisasyon ng pulisya sa loob ng higit sa isang dekada.

“Today, it seems the final word is a refusal to acknowledge that urgency. The irony is not lost on me, and it is precisely that irony that is so disheartening,” ayon kay Sen. Ronald dela Rosa.

“Umaasa po ako na darating din ang pagkakataon na magtatagpo rin ang mga pangarap natin at ng Malakanyang para sa ating kapulisan. Lagi’t lagi, handa po akong tumulong para maisakatuparan ito. Lagi’t lagi, makakaasa ang PNP na patuloy ang aking suporta sa kanila,” aniya.

Habang ikinalulungkot niya na ang pagsusumikap ng Kongreso, PNP, DILG, at National Police Commission ay nasayang, umaasa naman siya na ang mga ahensiyang ito ng gobyerno ay patuloy na tutulong sa mga mambabatas sa pagbuo ng mga hakbang at patakaran na magpapabuti sa puwersa ng pulisya.

“Alam natin na ang patuloy na pagsasaayos ng PNP ay malaking hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating bansa. Lalo na dahil itinataguyod at ipinagmamalaki natin ang isang bagong Pilipinas,” sabi ng mambabatas.

Naunang sinabi ni Dela Rosa na ang panukalang batas, na ngayon ay na-veto na ng Pangulo, ay “tapat na sumasalamin sa mga pangangailangan ng PNP, nagbibigay sa ahensiya ng kinakailangang lehislatibong paraan upang maging mas epektibo at mas episyente sa pagtupad ng kanilang mandato na maglingkod at magprotekta.”

 

Follow SMNI NEWS on Twitter