VP Sara, dinepensahan ang 2025 proposed budget ng OVP

VP Sara, dinepensahan ang 2025 proposed budget ng OVP

SA pagdinig ng Senate Committee on Finance hinggil sa proposed 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP), dinepensahan ni Vice President Sara Duterte ang mga programa ng OVP na paglalaanan ng budget.

Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P2.03-B para sa OVP sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program.

Ito’y matapos kwestiyunin ni Risa Hontiveros ang mga programa ng OVP na kaparehas na raw ng mga existing programs ng ilang ahensiya ng gobyerno gaya ng medical and burial assistance, livelihood program na mag-Negosyo ‘Ta Day, at disaster relief program.

Pero ayon kay VP Sara, ang mga nasabing programa ang mga pangunahing hiling ng mga pilipinong humihingi ng tulong sa kaniyang tanggapan.

‘‘Totoo po mayroong mga ibang local government units at ibang national govenment agencies na ganito po ang kanilang programa pero nung ako po ay umupo as Vice President, I took an oath. And doon sa oath I said I will do justice to every man. So, hindi po kami puwedeng humindi sa mga taong humihing ng tulong lalong-lalo na ay kaparte ng gobyerno ang Office of the Vice President,’’ pahayag ni VP Sara Duterte.

Tinanong ni Hontiveros kung okay lang ba na ilaan na lamang ang hinihinging budget ng OVP sa mga line agencies at doon nalang mag-request ng allocation ang tanggapan ni VP Sara.

Sagot naman ng pangalawang pangulo – bakit pinu-pulitika ang mga financial assistance?!

Halimbawa na lamang aniya ang mga ini-endorso ng OVP para sa assistance to individuals in crisis situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

‘‘Kapag mayroon kaming nire-refer o binibigyan ng endorsement ng AICS sa DSWD, kadalasan po na sagot sa amin ay hindi pUwede dahil galing iyan sa Office of the Vice President at kalaban iyan. Minsan po totoo iyan napo-politika ang assistance para sa ating mga kababayan,’’ ayon kay VP Duterte.

‘‘So, I go back to the oath that I shall do justice to every man. Kaya po kami nandito at kaya po kami may ganitong mga projects sa Office of the Vice President,’’ ayon pa kay VP Sara.

Ayon pa kay VP Sara – pino-politika ni Hontiveros ang proposed budget ng OVP dahil nais ng senadora na maghain ng isang motion para ilipat ang ni-request na budget ng OVP sa ibang ahensiya ng gobyerno.

Iniuugnay ‘yan ng pangalawang pangulo sa naging pahayag ni Hontiveros sa Akbayan Congress kamakailan na hangga’t nasa puwesto si VP Sara ay nanatili umanong panganib ang banta ng pagbabalik ng mga Duterte sa kapangyarihan.

Inusisa din ni Hontiveros ang budget na inilaan ng OVP para sa mga librong isinulat ni VP Sara na ipamamahagi sa mga estudyante kasabay ng mga pagbabago bags na may lamang school supplies at dental kits.

‘‘This is an example of politicizing the budget hearing through the questions of a senator. Ang problema niya kasi nakalagay ‘yung pangalan ko doon sa libro. At ang libro na iyan ibibigay namin sa mga estudyante ng mga bata. At ‘yung mga bata na iyan may mga magulang na boboto. At ang pangalan ko ay nagkalat kung saan man ibibigay ‘yung libro,’’ dagdag pa ng pangalawang pangulo.

Hindi raw nagustuhan ni Hontiveros ang sagot ni Vice President Sara na ayon sa senador ay hindi niya mainitindihan ang ugali ng pangalawang pangulo – punto na ibinalik din ni Vice President Duterte sa kaniya.

‘‘Hindi ko rin maintindihan ang ugali ni Senator Risa Hontiveros. And I do not appreciate, ano ‘yung sinabi niya? I do not appreciate this kind of behavior and attitude,’’ sabi pa ni VP Sara.

Binalikan ni VP Sara ang pagkakataon na humingi ng tulong si Hontiveros sa kaniya noong tumatakbo ito sa pagka-senador noong 2016 kung saan nakiusap pa si VP Inday sa isang kongresista para suportahan ang senadora.  

‘‘Nanalo na siya at noong nanalo na siya, anong ginawa niya? Siya ang pinakaunang umatake kay President Rodrigo Duterte. Anong tawag sa ugaling ganito?’’ ayon pa kay VP Duterte.

Sa kabila ng halata namang pamumulitika ni Hontiveros, lusot na sa Senate Committee on Finance ang panukalang budget sa taong 2025 ng Office of the Vice President at isusumite na ito sa plenaryo.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble