Revilla walang humpay ang pag-agapay sa mga kababayan sa Mindanao

Revilla walang humpay ang pag-agapay sa mga kababayan sa Mindanao

WALANG humpay ang pag-agapay ng batikang lingkod-bayan na si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa mga kababayan niya sa Mindanao matapos muling magtungo ang mambabatas sa nasabing lugar nitong nakaraang Huwebes, Oktubre 9 upang manguna ulit sa pamamahagi ng cash assistance sa libu-libong benepisyaryo.

Dumako si Revilla sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Misamis Oriental, at Bukidnon.

Ito na ang kaniyang pangatlong pagdalaw sa Mindanao sa loob lamang ng lagpas isang linggo.  Matatandaang noong Setyembre 30 ay nagtungo na ang mambabatas sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at Sultan Kudarat kung saan pinangunahan din niya ang pamamahagi ng financial assistance sa halos 10,000 na mga benepisyaryo. At nito lamang Oktubre 3 ay nagtungo naman siya sa Davao Region upang mag-abot ng kaparehong ayuda sa lagpas 6,000 na mga kababayan.

Pagkalapag ni Revilla sa Laguindingan Airport ay agad siyang nagtungo sa Wao, Lanao del Sur kung saan namahagi siya ng ayuda sa halos 2,000 na mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Assistance to Individual in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Kasama ni Revilla sa naging cash assistance distribution sina Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr. at Cong. Zia Adiong.

Matapos nito ay agaran naman tumawid si Revilla sa lalawigan ng Misamis Oriental kung saan siya ay sinalubong nina Gov. Peter Unabia at Cong. Christian Unabia para ipagpatuloy ang pagbibigay ng ayuda sa kanilang mga kababayan. Halos 1,600 rin ang nabiyayaan ng ayuda na nagkakahalaga ng tig-P3,000.

Bandang hapon naman ay pumunta si Revilla sa Bukidnon, kung saan nakasama niya si Gov. Rogelio Roque at Cong. Laarni Roque, upang muling mamigay ng ayuda sa mga kaniyang kababayan doon na may kabuuang halaga na P4M para sa nasabing lalawigan.

“Dire-diretso lang tayo sa pagtulong dito sa ating mga kababayan sa Mindanao at talagang sobrang lapit sa puso ko ang lugar na ito. Kaya asahan niyo po na hindi dito matatapos ang ating paghahatid ng tulong at malasakit sa ating mga kababayan,” pahayag ni Revilla.

“Gaya nga ng lagi kong sinasabi, binibigay lang po natin sa ating mga kababayan ang mga dapat naman talaga nilang natatanggap mula sa gobyerno. Nawa ay makatulong ito sa kanilang mga pangaraw-araw na pangangailangan hanggang sa tuluyang umunlad ang kanilang mga buhay,” pagwawakas niya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble