Halos P200-M puslit na mackerel, nasabat; Higit 500K kilo ipamamahagi sa mga nasalanta ng bagyo—DA

Halos P200-M puslit na mackerel, nasabat; Higit 500K kilo ipamamahagi sa mga nasalanta ng bagyo—DA

PATONG-patong na mga karton ang tumambad sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) matapos buksan ang naglalakihang shipping container vans.

Oktubre 16 ngayong taon umano nang makatanggap ng tip ang BOC na mayroong barko na paikot-ikot lamang sa Manila Bay na may dalang sandamakmak na puslit na isdang mackerel.

Para matakpan ang ilegal na gawain ay isinabay umano ang naturang kargamento sa ibang mga container vans na may lehitimong papel upang makalusot.

Ibinaba ito sa Manila International Container Port (MICP) sa lungsod ng Maynila pero naharang ng BOC.

Umaga ng Miyerkules, ininspeksiyon ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at BOC Commissioner Bienvenido Rubio ang 21 shipping container vans mula Tsina upang kumpirmahin ang mga laman nito.

Tumambad ang karton-karton na mga smuggled frozen mackerel na aabot umano sa halos 600,000 metriko tonelada o nagkakahalaga ng P175.8M.

“As per coordination with DA ay wala pong na isyu na SPSIC.”

“Kapag natunton natin kung sino ang gumawa nito ay mag-file tayo ng kaso at pasok na sila doon sa bagong batas na Anti-Agriculture Economic Sabotage ‘yun para masampolan natin ang mga smuggler,” pahayag ni Bienvenido Rubio, Commissioner, BOC.

May impormasyon na umano sila kung sino ang may-ari ng mga ilegal na kargamento at hindi nila inaalis ang posibilidad na makulong sa mga susunod na linggo.

“Nakita ko ang isang may-ari ay Chinese national at lahat ng kanyang mga director ay mga Pilipino mukhang pamilya pare-pareho ang last name ng tatlong director.”

“Sigurado ‘yan hindi lang blocklist ‘yan kulong pa ‘yan,” saad ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.

Aminado si Laurel na malakas ang loob ng mga smuggler na pumuslit ng isda ngayong panahon lalo’t malapit nang ipatupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang closed fishing season sa mga karagatan na pangunahing pinagkukunan ng isda.

Pero, makakaasa umano na hahabulin nila ang mga lalabag na mga importer.

Nilinaw pa nila na hindi naman delikado kainin ang nasabat na smuggled mackerel ‘yun nga lang ay kailangan pa itong dumaan sa food safety test.

May plano umano kasi ang DA at BOC sa mga pinuslit na mga isda.

Pag-aaralan ngayon ng Department of Agriculture at BOC na ipamahagi ang mga nasabat na smuggled mackerel sa mga naapektuhan ng Bagyong Kristine. Ito ay kung maikumpirma na ligtas ng kainin ng tao ang isda.

“Lahat ng nahuli na seized ay puwede nating ay they are 3 kinds of disposal mayroon tayong condemnation, auction, and donation. So, napag-isipan namin ni Secretary kanina baka dahil kakatapos lang ng bagyo at maraming nasalanta,” dagdag ni Rubio.

“Marami ang tinamaan so doon lang maubos na,” dagdag ni Laurel.

 

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble