NASA Hollywood ngayon ang ating kasama sa SMNI na si Boss Dada TV.
Bumiyahe siya pa-Amerika hindi para mag-audition sa Hollywood kundi para tumanggap ng parangal mula sa isang US-based award-giving body.
Hinirang si Boss Dada o si Darwin Salcedo sa totoong buhay bilang ‘Outsanding Independent Vlogger & Content Creator’ sa Pilipinas ng Amerika Prestige Awards.
Kinikilala ng award-giving body ang natatanging kontribusyon ng Filipino actors, singers, artists, personalities at entrepreneur sa pagpapakilala ng husay nating mga Pilipino sa iba’t ibang larangan.
Bilang bahagi ng Banateros Brothers kasama sina Banat By, Coach Oli, Jay Guevarra at Master Judea, nagpasalamat si Boss D sa pamunuan ng SMNI sa pagkakataon na mabigyan sila ng sariling TV show.
“Syempre, napakalaking break ‘yun para sa amin kasi napakalawak ng reach ng SMNI and nagpapasalamat tayo dahil binigyan tayo ng opportunity, nagtiwala sila sa atin na kahit na wala tayong experience at kahit maliit ang tingin ng mga ibang mainstream media sa mga vlogger, binigyan tayo ng opportunity para patunayan ‘yung ating sarili at siyempre puhunan natin ‘yung pagmamahal sa bayan, pagmamahal sa Diyos at sa Pilipinas,” ayon kay Boss Dada TV, SMNI Anchor | Amerika, Prestige Awards Awardee.
Kahanay ni Boss Dada sa mga binigyan ng award sa Hollywood ang Filipino artists na si Valerie Concepcion at iba pang US-based Filipino personalities.
Bago ang awards night, nag-ikot naman muna si Boss D sa Amerika at nakipagkita pa sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Community sa US.
Saad niya, saan man siyang KOJC Community magpunta sa buong mundo ay parehas lamang ang nakikita niyang buhay sa mga miyembro at misyunaryo nito.
Iyon nga kasi mismo ang mga turo ng spiritual leader ng KOJC na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
“Well siyempre unang-una ‘yung resiliency, ‘yung pagmamahal sa Panginoon, pagmamahal sa bayan, ‘yung pagiging malinis, malinis sa lahat, malinis sa kapaligiran, malinis sa sarili, malinis sa kapwa. Sabi nga natin Cleanliness is next to Godliness,” dagdag nito.
Kilala ang Banateros Brothers sa kanilang hard-hitting commentaries sa mga napapanahong isyu sa bansa.
Bukod sa kanilang programa sa SMNI, patuloy rin sa kanilang political vlogging ang Banateros sa kani-kanilang YouTube at Facebook pages.
Nagpasalamat naman si Boss D sa patuloy na tumatangkilik sa kanilang mga komentaryo.
Pastor Apollo C. Quiboloy, pinasalamatan ni Boss Dada sa suporta sa Banateros Brothers
“Unang-una sa lahat bago ako magbigay ng mensahe kay Pastor Apollo C. Quiboloy, magpapalasamat po muna ako sa Panginoon. Unang-una sa lahat sa Amerika Prestige, at siyempre sa Banateros Worldwide, lahat ng mga sumusuporta satin. Yoong SMNI family natin, KOJC family natin—maraming maraming salamat sa suporta at tiwala ninyo. Well, kay Pastor Apollo Quiboloy, kay future Senator Pastor Apollo C. Quiboloy—tatag lang. Tatag lang, maging matibay kayo dahil marami kaming humuhugot ng lakas ng loob sayo kaya hope to see you soon and sana magkasama-sama tayo agad mag-celebrate at maka-attend tayo ng Sunday service na kasama natin siya,” aniya.