Pagpapailaw sa Giant Christmas Tree sa San Manuel, Pangasinan, sinabayan ng Christmas Village at Giant Lanterns Competition

Pagpapailaw sa Giant Christmas Tree sa San Manuel, Pangasinan, sinabayan ng Christmas Village at Giant Lanterns Competition

HINDI lamang Giant Christmas Tree Lighting ang dinagsa ng mga tao kamakailan sa bayan ng San Manuel, Pangasinan.

Matutunghayan din kasi rito ang naggagandahang giant lanterns at Christmas Village na nagpapakita ng mga kultura at tradisyon ng iba’t ibang bansa.

Saad ni San Manuel Mayor Kenneth Marco Perez, sa kabila ng mga nagdaang hamon sa buhay dulot ng mga bagyong nagdaan sa bansa, tuloy pa rin ang selebrasyon ng Pasko sa bayan, ito ay nagpapakita ng pagiging resilient at malikhain ng mga taga-San Manuel.

“Unang-una sa lahat ako ay nagpapasalamat sa ating Panginoon Diyos sa ating napakagandang panahon na kanyang ipinagkaloob ngayong araw dahil alam nga natin na maraming bagyo ang pinagdaanan ng ating bansa, at ‘yung huli, ‘yung Bagyong Pepito, talagang marami ang nawasak na pananim dito sa bayan ng San Manuel kaya na-postpone po ang aming lighting ceremony. So, sa kabila ho ng lahat, nagkaisa ho aming bayan, para masigurado na mabigyan na naman ng regalo at maihandog naming 14th Lantern and Villages, Lighting Ceremony ng aming bayan ng San Manuel,” pahayag ni San Manuel Mayor Kenneth Marco Perez.

Ang taunang Giant Lantern at Villages Competition ay nagsimula taong 2010 sa pangunguna ni dating mayor at ngayo’y Vice Mayor Alain Jerico Perez.

“Nag-umpisa ito no, when I was elected as a mayor, that year 2010. Pero originally itong Giant Christmas Tree, started with our dad, siya ang nag-umpisa. Parang nakikita naming kulang, kulang ‘yung mga dekorasyon, para sa ganitong mga darating na Pasko. So, we added lantern, ang una, lantern no? Gumawa kami ng mga league ng mga lantern, mga pa-contest, para mahikayat nating itong mga kababayan natin. Of course, una sa aming departamento dito sa LGU San Manuel. And, then after 2 years, dinagdagan natin ng Christmas Village, ‘yung nag-start, nagdagsaan ngayon ang mga turismo kahit nandito tayo sa interior part no ng Pangasinan”

Ang Giant Christmas Tree Lighting sa San Manuel ay orihinal na nagsimula pa sa panahon ng kanilang yumaong ama at former mayor ng bayan na si Late Mayor Salvador ‘Badong’ Mejia Perez noon pang taong 1988.

Ayon naman kay Pangasinan Board Member Salvador Perez Jr. nais ng namayapang dating alkalde na dalhin sa bayan ng San Manuel ang ganda ng Christmas Tree sa Maynila upang maranasan din ito ng kanyang mga kababayan.

“Alam niyo, ito pong Giant Christmas Tree, ito po ay inumpisahan ng aming ama, opo, na pinailawan, opo, ito ay nag-umpisa sa kanyang first term, that was 1988, ng aking yumaong ama na si Mayor Badong, ngayong alam naman po natin na, ang bayan po namin, ang bayan po namin na San Manuel, ito po ay interior town, no po? Kami ay nandito po sa kalooban at hindi po nadadaanan ng mga ‘pag may ibang pinuntahan na bayan po, kaya sa aming mga kababayan, ako po ay nagpapasalamat, at tinatangkilik nila ang aming mga produkto, we buy our own product, we patronize our own product,” pahayag ni Hon. Salvador ‘Badong’ Perez Jr., Board Member, Pangasinan.

Hinikayat naman ni San Manuel Tourism Officer Giovanni Perez ang lahat na saksihan ang pagiging malikhain ng mga taga-San Manuel, Pangasinan lalo na ngayong Christmas season.

“Of course, mas dadagsa pa ang mga tao dito sa aming bayan, dadalhin naming kayo sa iba’t ibang mga festivals dito sa mundo. We have 12 festivals po na matatagpuan po sa iba’t ibang parte ng mundo. Well of course, makikita niyo po ang iba’t ibang mga disenyo, kung gaano po ka-creative ang mga tao po dito sa aming bayan,” ayon kay Giovanni Perez, Tourism Officer, San Manuel, Pangasinan.

Bukod sa mga Pamaskong disenyong ito, hindi rin naman magugutom ang mga bisita dahil meron food bazaar ang bayan para sa mga bibisita.

Samantala, abangan pa ngayong Disyembre ang iba pang nagnining na Christmas Tree Lighting Ceremony sa Binmaley, Dagupan City, Laoac, Urbiztondo, at marami pang iba.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter