HINDI kapani-paniwala ang pagbaba ng crime rate sa Pilipinas ayon sa dating Palace official.
Hindi naniniwala ang dating tagapagsalita ng Palasyo sa ulat ng PNP na bumababa ang krimen sa Metro Manila.
“Talagang bumalik they are back with a vengeance,’’ ayon kay Atty. Salvador Panelo.
Ito ang mariing sinabi ni Atty. Salvador Panelo sa estado ng kriminalidad sa bansa kahit pa nagpalabas ng ulat ang Philippine National Police (PNP) na bumababa umano ng 21 percent ang crime rate sa Metro Manila mula a-uno ng Enero hanggang a-kinse ng Pebrero ngayong taon.
Para kay Panelo, hindi totoo ang mga inilalabas na figures ng PNP dahil sa mga nangyayari krimen ngayon.
“Yun nga ang sinabi ko kanina ang kidnapping dito biglang tumaas hayag hayagan biro mo puputulan pa ng daliri yung isang bata yung isa naman na kidnap. Madaling sabi yung sinasabi nila na bumababa ang bilang ay hindi po totoo yun, yan sa Davao mismo hindi lang sa Davao marami ang iba nga hindi lang nakakarating dun sa balita ang iba hindi na nila ipinalalabas,’’ ayon kay Panelo.
Ang tinutukoy ni Panelo ay ang isang estudyanteng Tsino mula sa international school ng Taguig City na dinukot at pinutulan ng daliri at pinatay pa ang driver nito ng mga kidnapper na humihingi ng 20-milyong piso na ransom na kalaunan ay inabanduna sa kahabaan ng Macapagal Avenue Paranaque City.
Samantala sa usapin naman ng nangyaring panloloob sa isang pawnshop sa Davao city, kung ito aniya ay stage play o drama lamang para sirain ang imahe ng mga Duterte at Davao City, ay kabaliktaran aniya ang magiging epekto nito sa mata ng publiko.
‘’Kung stage robbery yan ipinapakita mo na pati doon sa Davao ang krimen naduon oh eh di kung yan ang inyong layunin lalo kayong mapapasama kasi nga ang pinupunto natin laging may krimen eh dati wala eh oh biro mo? oh ibig sabihin kung stage man yan mali na naman ang ginawa ninyo,’’ wika ni Panelo.
Sa kabilang banda, hindi naman nito maiwasang maikumpara ang kapanahunan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa panahon ngayon ng kasalukuyang administrasyon ng Marcos Jr. na aniya’y bagsak pagdating sa pagsugpo sa kriminalidad.
“Bagsak ang survey ng Presidente Marcos Jr. kung ikukumpara mo sa panahon ni Presidente Duterte eh napakataas ng pagtanggap ng tao dahil kontrolado nya ang kriminalidad ang iligal na droga maraming bagay aspeto ng lipunan ang ipinakita nya kung papano sya mamahala. Oh yun ang makikita mong diperensya kaya ang tao hinahanap hanap ang pamamahala ng isang Duterte,” ani Panelo.