WALANG mapagsidlan ng tuwa ang mga residente ng Brgy. Macabling, Sta. Rosa, Laguna nang isagawa ang kanilang hinihintay na campaign rally ni Senatorial Candidate Pastor Apollo C. Quiboloy.
Todo bigay sa pagsayaw ang bawat isa, mapa-senior man o mapa-bagets, sa oras na marinig ang jingle ng Butihing Pastor.
Kaya naman ang punong barangay na si Ginang Adoracion Ong Iko ay masayang-masaya dahil sa ginanap na ‘Pastor Apollo C. Quiboloy for Senator Movement’ Townhall Meeting sa kaniyang barangay, kung saan mas nakilala pa ng kaniyang mga nasasakupan kung sino si Pastor Quiboloy.
“Nakita ko sa kanya ang kanyang, talagang maka-Diyos, ‘yun ang nakita ko sa kanya. Pag ang tao’y maka-Diyos, pag mahal mo ang Panginoon, mahal mo rin ang kapwa mo, di ba?” pahayag ni Adoracion Ong Iko, Barangay Captain, Brgy. Macabling, Sta. Rosa, Laguna.
“Alam ko na ito ang tunay na makakatulong sa amin at higit pa sa mga taong nangangailangan ng tulong. Alam kong siya ang makakatulong talaga—siya ang number 1 sa puso ko,” aniya.
Isa rin sa dumalo sa naturang pagpupulong ay si Dennis Bustillo, o mas kilala sa kaniyang pangalang “Mama Dens.”
“Noong una, hindi ko talaga siya kilala. Noong sumali siya kay Duterte at sinuportahan niya si President Duterte, doon ko nakita kung gaano siya katapang, kabait, at tumutulong sa kapwa. Lalo na noong pumutok ang Bulkang Taal—doon ko siya nakita eh. Nakita ko siya, ang taong ito ay napakagaling. Talagang sumusuporta siya sa gobyerno,” wika ni Dennis Bustillo a.k.a. “Mama Dens”, Regional Director, Piliin Mo Pilipinas Movement.
Samantala, malaking tulong para kay Nanay Zenaida ang ginawang rally, dahil ito ang nakasagot sa kaniyang mga katanungan kung totoo ba ang mga paratang laban sa butihing Pastor.
“Ako’y naririto para makinig kung ano siya. Pero ang tanong ko, totoo ba siyang rapist? Totoo ba siyang korap? Totoo bang iniimpluwensiyahan niya ang kaniyang mga miyembro o ginagamit niya lang sa ibang bagay ang mga miyembro niya? Hindi ko malaman kung ano ang totoo, kaya ako narito para malaman ko ang totoo.”
“Eh, narinig ko—against siya sa korapsyon, against siya sa droga, against siya sa lahat ng masasamang bagay. Tapos, friend pa siya ni Digong. Okay siya,” ani Nanay Zenaida.