MATAGUMPAY na naisagawa ang unang araw ng 26th International Cable TV and Telecommunication Congress and Exhibit, na inorganisa ng FICTAP sa isang hotel sa Maynila.
Dinaluhan ito ng mga nangungunang lider at tagapagkaloob ng serbisyo mula sa industriya para talakayin ang mabilis na pag-unlad ng digitalisasyon sa sektor.
Humigit-kumulang 50 exhibitors at 600 indibidwal ang nakilahok sa Kongreso, na ginanap noong Marso 13-14, ng kasalukuyang taon. Layunin ng kaganapan na palaguin ang industriya ng cable television at telecommunications sa Pilipinas.
Ayon kay Estrellita Juliano-Tamano, National Chair ng Federation of International Cable TV and Telecommunications Association of the Philippines (FICTAP), taon-taon isinasagawa ang Kongreso para maging plataporma para sa mga bagong kagamitan, inobasyon, at inisyatibo sa larangan ng digital technology.
Binibigyang-diin din nito ang pakikipagtulungan ng gobyerno at pribadong sektor para mapabuti ang serbisyo at accessibility ng internet sa bansa.
“Natatakot kami sa ginagawa nilang bagong batas… kaya naisasali nila doon sa kanilang batas,” pahayag ni Estrellita Juliano-Tamano, National Chair, FICTAP.
Isa sa mga tinalakay sa Kongreso ay ang isinusulong na Konektadong Pinoy Bill. Aminado si Tamano na maraming stakeholder ang nababahala sa posibleng pagsasabatas nito dahil hindi sila nakonsulta.
Ngunit para kay Senadora Imee Marcos, mayroon pang panahon para makonsulta ang mga stakeholder bago maisabatas ang panukala.
Ang Konektadong Pinoy Bill, na kilala rin bilang Open Access in Data Transmission Bill o Senate Bill No. 2699, ay naglalayong mapabuti ang access sa internet sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga internet service providers, na magbibigay ng mas maraming pagpipilian sa mga mamimili at magpapababa ng presyo.