Pagdagsa ng mga motorista sa mga toll expresway, inaasahan simula hapon ng Miyerkules hanggang Huwebes ng tanghali—TRB

Pagdagsa ng mga motorista sa mga toll expresway, inaasahan simula hapon ng Miyerkules hanggang Huwebes ng tanghali—TRB

REGULAR na daloy ng trapiko pa ang nararanasan ngayon sa mga expressway sa gitna ng inaasahang paglabas sa Metro Manila ng maraming mga motorista para sa Semana Santa.

Ito ayon sa tagapagsalita ng Toll Regulatory Board (TRB) na si Julius Corpuz. Aniya, ang posibleng pagdagsa ng mga motorista ay simula hapon ng Miyerkules hanggang Huwebes ng tanghali.

Ipinahayag ni Corpuz na ang TRB at mga toll operator ay handang-handa na upang matulungan at magabayan ang mga motoristang lalabas ng Metro Manila.

Saad ni Corpuz, nailatag na ang Oplan Biyaheng Ayos at Semana Santa 2025 na ang layunin ay mabigyan ng isang ligtas at komportableng paglalakbay ang mga motoristang gagamit ng expressway.

‘’Na-inspect na natin ang kondisyon ng ating mga expressway, ang kahandaan ng ating mga toll operators at pati na iyong mga toll service facilities natin, iyong mga gasoline stations upang mapaghandaan itong pagdagsa ng motorista,’’ ayon kay Julius Corpuz, Spokesperson, Toll Regulatory Board.

Pagdating naman sa mga RFID lanes ng mga expressway, sinabi ni Corpuz na mayroong nakaantabay na mga toll at chief personnel upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko.

Aniya, may mga ETC technician rin na nakatalaga sa mga lane, na handang tumulong sakaling magkaroon ng aberya sa kanilang sistema at kagamitan.

‘’At kapag nagkaroon ng pagkakataon na humaba ng 100 meters iyong queue sa RFID lanes po natin ay obligadong iakyat ng ating toll operators iyong mga barrier para mas magiging mabilis ang daloy po ng trapiko dito sa mga RFID na ito,’’ saad ni Corpuz.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang maayos at tuluy-tuloy na biyahe para sa mga motorista, lalo na sa panahon ng mataas na volume ng sasakyan.

Hinikayat din ni Corpuz ang mga motorista na tiyakin na ang kanilang RFID ay nakaaktibo at sapat ang balanse upang maiwasan ang anumang abala sa kanilang paglalakbay

Doon naman po sa wala pang RFID ay nakikiusap po kami na kung puwede dumaan kayo doon sa designated cash lane, sapagkat tinatanggap pa rin po naman natin ang pagbayad ng cash dito sa ating mga expressway.

Follow SMNI NEWS on Twitter